GASGAS na sa mga balita ang “Budol-budolâ€, isang uri ng modus operandi ng mga kawatan para makakulimbat ng pera, alahas at mga mahahalagang gamit sa pamamagitan ng iba’t ibang taktika at estilo ng panloloko.
Subalit, marami pa rin ang nabibiktima sa hokus-pokus ng mga sindikato. Isinasagawa ang modus sa pamamagitan ng pagpapanggap ng mga estranghero, nagpapakilalang may magandang intensyon kuno at malasakit sa kausap.
Karaniwang representasyon ng mga kawatan, babae o lalaki na kaakit-akit ang hitsura at magaling magsalita. Pero kadalasan, nakadepende sa profile ng target victim upang hindi maging kahina-hinala. Hindi layunin ng mga kolokoy na saktan ang kanilang mga mabibiktima. Tanging ang pera at mga ari-arian lang ang habol nila sa kanilang operasyon.
Isinasagawa ng Budol-budol gang ang kanilang modus sa mga matataong lugar. At ang masahol pa, ang ilan, dumarayo sa mismong bahay ng kanilang target victim. Likas na sa ating mga Pinoy ang matulungin. Subalit, sinasamantala ng mga putok sa buhong masasamang-loob para manggantso at “mang-hipnotismo.â€
Walang hipnotismo! Hindi hipnotismo ang ginagamit ng mga kawatang ito, kundi galing sa pagkukunwari at pagmamanipula ng pagkakataon. Napag-aralan na kasi ng sindikato ang mga willing victim na may katangiang masarap kausap, mapaniwalain at gullible o madaling kumbinsihin sa anumang inaalok sa kanila. Nadadala sila sa diskarte ng mga kawatan at nagiging malambot sa nagbabalat-kayong mga dorobo. Sa ganitong tyempo, naisasakatuparan nila ang Budol scam.
Lahat posibleng maging biktima ng modus. Hindi lang natin tiyak kung kailan at saan tayo mabibitag ng mga estrangherong umaali-aligid na naghahanap ng tiyempo. Dapat sa anumang sitwasyon, maging alerto, matalino, mausisa at paladuda sa mga transaksyon upang hindi mahulog sa patibong ng mga sindikato.
* * *
Para sa sumbong at tips mag-text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing Miyerkules, 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m.