Depensa, paliwanag

NASA depensa talaga ang mga opisyal ng UP Manila, dahil sa batikos na kanilang natatanggap kaugnay ng pagpapakamatay ni Kristel Tejada. Matrikula umano ang dahilan ng kanyang pagpapakamatay. Hindi na pinayagan ng UP Manila na mag-enroll hangga’t hindi mabayaran umano ang balanse ng inutang niyang pang-matrikula para sa nakaraang semester. Uminom ng silver cleaner sa kanyang tahanan,at namatay. Sayang talaga at ayon sa kanyang propesor sa UP, matalino ang bata.

Sa mga press conference at panayam na isinagawa ng mga opisyal ng UP Manila, pati na rin ng pangulo ng UP, panay ang paliwanag na hindi nila intensyon ang maging balakid sa edukasyon ng sinomang estudyante sa UP. Sumusunod lamang daw sila sa mga patakaran, para hindi magkagulo. Hindi sila mga walang puso, at ang kaso ni Kristel ay isang isolated, bagama’t malungkot na kaso. Dagdag pa, may mga reporma nang ipapatupad ang unibersidad hinggil sa mga problemang pinansiyal at matrikula ng mga estudyante. Ang masaklap, hindi na inabutan ni Kristel ang mga repormang iyan!

At kung may mga reporma na pala, tulad ng ibinabandera ngayon ng UP Manila, bakit hindi pa ipinatupad kay Kristel, na malinaw na nangangailangan ng tulong? Ayon pa sa UP-Manila, hindi raw sila nagkulang kay Kristel at 79 na beses na nilang binigyan ng extension si Kristel. O di malinaw na wala talaga silang pera, hindi ba, bakit hindi na pinagbigyan pa kung may mga reporma na palang pinag-uusapan hinggil sa mga nangangailangan ng tulong? Kailan pa patutuparin ang mga repormang iyan? Isolated na kaso raw si Kristel, eh ilan pa bang katulad ni Kristel ang kailangang mangyari? Hindi ba’t sobra-sobra na ang buhay ng isang bata na nasayang lang?

Ngayon, pati ang mga staff at faculty ng Department of Behavioral Science ang nananawagan na bumitiw na ang mga opisyal ng UP Manila at sila ang pinasasagot sa nangyari kay Kristel. Ang mga guro at propesor ang pinakamalapit sa mga mag-aaral. Alam nila ang nagaganap sa kanilang mga estudyante. Alam na ng mga propesor na may problema sa pera si Kristel, pero wala silang magawa dahil hindi naman sila mga opisyal. Ang may kapangyarihan para malutas ang mabigat na problema ni Kristel ay ang mga opisyal, na ngayon ay puro paliwanag na ang ginagawa sa lahat ng pahayagan at stasyon!

Hindi ko rin maiwasang pansinin ang dalawang la­rawan na ipinapakita ngayon sa home page ng ABS-CBN News.com. Nauna ang la­rawan ng ina ni Kristel, na nakatayo sa tabi ng kabaong ng at tinatakpan ang kanyang mukha habang umiiyak. Sumunod dito ay ang masayang larawan ng mga nagtapos sa Philippine Military Academy, habang ibinabato sa ere ang kanilang mga sumbrero. Parehong sinasagot ng gobyerno ang matrikula ng mga natatanggap sa PMA at sa UP. Pero sa PMA, libre lahat – matrikula, pagkain, tulugan, uniporme etc. Sa UP, kailangan mahirap na mahirap ka para maging libre ang matrikula, at matrikula lang. Sa iyo pa rin ang libro, baon, pamasahe, uniporme kung meron at iba pa, para maging isang edukadong mamamayan at makatulong sa ekonomiya ng bansa. Kung ganun mas may pera para sa mga magiging sundalo, kaysa sa mga magiging arkitekto, duktor, inhinyero, negosyante, dalubhasa, nurse, dentista, guro, lahat na. Ganun ba?

 

Show comments