DALAWANG linggo na ang lumipas nang magsimula ang bakbakan ng Malaysian security forces at Royal army ni Sultan Jamalul Kiram sa Lahad Datu, Sabah. Pinayagan na rin ng Malaysia ang mga dayuhang mamamahayag, kasama ang Pilipinas, na ikober ang mga nagaganap para pabulaanan ang mga ulat ng pang-aabuso ng Malaysian police at sundalo sa mga Pilipinong nahuhuli nila, pati na rin sa mga Pilipinong nakatira na sa Sabah. May mga ulat na dumating sa Manila ng pang-aabuso sa mga nahuli, at mga hinihinalang tumulong sa Royal army ni Kiram.
Habang ang mga enkuwentro ay paunti nang paunti, tila lumipat na ang labanan sa media. Mga ulat ng pang-aabuso na inuulat dito sa Pilipinas ay itinatanggi naman sa Malaysia. Mga ulat na nasa Sabah pa raw si Raja Muda ay kinontra naman ng Malaysia at sinabing tumakas at iniwan na ang kanyang mga tauhan. Pati mga bilang ng mga napapatay o namatay sa mga enkwentro ay depende rin sa nag-uulat. Kung galing ng Malaysia, marami na ang napapatay at mahuhuli. Kung galing naman sa panig ng mga Kiram, marami pa silang tauhan sa Sabah at madadagdagan pa raw!
Ang malinaw ay magulo ngayon sa Sabah. Napansin na rin ng mundo ang problema sa malaking isla. Laganap umano ang krimen sa lugar dahil na rin sa napakada-ling pumasok ng mga kriminal sa pamamagitan ng mga bangka. Nabatikos din ang seguridad ng Malaysia dahil sa hindi nga nabantayan ang hangganan nito, at nakapasok nga ang ilang daang armadong tao sa kanilang dalampasigan! Kung talagang natataboy na ang mga tauhan ni Raja Muda, siguradong magbabago na ang pagbantay ng Malaysia sa bahaging ito ng Sabah. At kung gusto pa ring buhayin ang isyu ng Sabah, madadaan na lamang ito sa diplomasya at diskusyon.
Ito ay kung makikipag-usap pa ang Malaysia sa isyung ito, matapos ang naganap na madugong pagsapalaran ng kanilang security forces at ng Royal army. Ika nga, may kabayaran ang lahat ng kilos, may reaksyon ang lahat ng aksyon. Sabi nga ni President Aquino sa kanyang talumpati sa PMA graduation rites, hindi ba naisip ng grupo ng Sultan ang napakaraming naapektuhan sa paggawa ng gulo? Malamang hindi.