NAGING maugong ang pagpatok ng pagkakaroon ng motorsiklo sa bansa dahil sa maraming kadahilanan.
Una, kumpara sa ibang mga sasakyan, ito na marahil ang pinaka-mura pagdating sa presyo, maintenance at gasolina.
Pangalawa, dahil sa traffic na nararanasan sa mga kalye at kalsada sa bansa, praktikal ang pagkakaroon ng motorsiklo upang madaling marating ang paroroonan.
Lalo pa itong mas naging maginhawa nang nagkaroon na ng motorcycle lane sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Mula nang maisabatas ang Republic Act 10054 o mas kilala bilang “Helmet Lawâ€, naging mas mahigpit na ang kinauukulan sa pagbabawal sa mga motoristang naglalakbay ng walang suot na helmet.
Subalit isang tipster ang nagparating sa BITAG sa pamamagitan ng pagpapadala sa aming e-mail ng video ng mga malalakas ang loob na motoristang bumibiyahe ng walang suot na helmet.
Nakuhanan niya ang dalawang motor na binabaybay ang Mindanao Avenue , bandang 9:00 ng gabi.
Ayon sa aming tipster, ikinabahala niya hindi lamang ang pagbiyahe ng mga nagmomotor ng walang helmet kundi maging ang mga angkas nitong bata na wala ring suot na helmet.
Kitang-kita sa video na ipinadala niya sa aming programa ang delikadong pagkakaupo ng bata sa motorsiklo subalit kataka-takang hindi man lamang daw ito sinita ng traffic enforcer.
Kaya naman panawagan ng BITAG sa mga itinatalagang traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority, huwag magbulag-bulagan sa inyong nakikitang paglabag sa batas na mismong kayo rin ang dapat na
nagpapatupad! Kilos pronto!
Subaybayan ang BITAG Live sa Aksiyon TV Channel 41 at Radyo 5 92.3fm, araw-araw, 10:00 am-11:00 am; Pinoy U.S. Cops-Ride Along at BITAG tuwing Sabado sa PTV Channel 4, 8:30 pm - 9:00 pm at 9:15 pm - 10:00 pm.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing araw ng Miyerkules, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.