TIYAK malilipol ang 180-235 tauhan ng Sulu Sultanate na namasok sa Sabah, Malaysia. Tatlumpu lang sa mga Tausug ang armado ng riple’t pistola. Mahigit 30 agad sa kanila at mga sumimpatya ang napatay at nabihag. At dahil pumatay din sila, binobomba sila ng fighter-bombers.
Mali ang pagbasa nina Sultan Jamalul Kiram III at kapatid na Raja Muda (Crown Prince) Agbimuddin sa sitwasyon. Akala nila kahinaan ng Malaysia ang apat na pag-atras ng deadline na lisanin ang Sabah.
Gan’un din ang nangyari sa mga Tausug sa Jolo, Sulu, nitong linggo 107 taon ang lumipas. Sa tinatawag na (First) Battle of Bud Daho ng 1906, nasa panig ng mga Amerikanong manlulupig ang Sulu Sultan. Kabilang ang babae at bata, mga 800-1,000 Tausug na ayaw magpailalim sa Amerikano ang nagkuta sa crater ng magubat na Bulkang Daho. Nag-atubili ang colonial forces na basta lusubin sila. Kasi, kung maraming casualties sa Amerikano, maipapakita na matibay ang kuta sa bundok.
Inakala ng mga rebelde na kahinaan ng Amerikano ang hindi paglusob. Ni-raid nila ang mga baryo sa kapatagan, na ikinagalit ng mga datu. Binale-wala ang hu-ling pakiusap ng Sultan na lisanin ang bulkan. Kinanyon sila ng Amerikano mula sa patag at dagat. Tapos lumusob ang infantry at cavalry. Sibat, kampilan, at gawa-gawang granada lang ang ipinang-laban ng mga rebelde. Anim lang sa kanila ang natira.
Natuto kaya si Jamalul sa kasaysayan? Kapag maubos ang tauhan niya sa Sabah, mapupulaan ang kanyang pagka-Sultan ng Sulu. Iiwanan siya ng mga tauhan sa Sulu-Sabah. Sampung kadugo niya ang naggigiit ng pagka-Sultan. Tradisyon sa pagsu-Sultan ng Sulu ang suporta ng mga Tausug, bukod ang pagkilala ng gobyerno ng Pilipinas at ng mga datu. Pero sa modernong panahon ng demokrasya, nauupos na ang royalty.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com