NIRE-REPRESENT ng college athletes ang kani-kanilang eskuwelahan. Kapag nanalo ang koponan ng isang kolehiyo o unibersidad, malaking advantage para makahikayat ng mga mag-aaral. Nakakadagdag sa pagsikat ng school ang may mahuhusay na atleta. Kaya nararapat lamang na pag-ingatan ng mga atleta ang kanilang kredibilidad sapagkat hindi lamang sila ang masisira kundi maging ang kanilang eskuwelahan.
Isa sa mga sumisira ngayon sa mga kabataan ay ang illegal na droga. Kahit saang sulok ng banÂsa ay may droga. Maski ang mga lugar na hindi pa naaabot ng kuryente naunahan pang maabot ng shaÂbu, marijuana, ecstacy at iba pang bawal na gamot. Namamayani ang droga at ginagawang halimaw hindi lamang ang mga kabataan kundi pati mga propesyunal, artista, athletes, pulis, truck at jeepney driver at pati mga drayber ng traysikel at pedicab. Laganap ang shabu laboratories na pawang mga Chinese ang nag-ooperate. Marami nang nadakip na Chinese drug traffickers at kinulong pero nakakatakas dahil malaking halaga ng pera ang sangkot. Kamakailan, tatlong Chinese drug traffickers ang “inagaw†ng 20 kalalakihan sa Trece Martires City, Cavite. Patungo sa hearing ang tatlong Chinese nang harangin ng mga lalaki. Hanggang ngayon hindi pa nahuhuli ang tatlong drug traffickers at walang hakbang sa mga guwardiyang natakasan ng preso.
May mga college athletes na gumagamit ng illegal na droga. Nakakalungkot ito sapagkat sila ang dapat magbigay halimbawa sa mga kapwa estudyante para umiwas sa masamang bisyo. Nararapat na sila ang unang magtakwil ng droga pero kabaliktaran sapagkat ilan sa kanila ang lantarang gumagamit. Kagaya ng dalawang varsity players ng Far Eastern University na nahuli ng mga tauhan ng Manila Police Department na humihithit ng marijuana sa Nicanor Reyes St. corner Claro M. Recto Ave. hindi kalayuan sa kanilang school. Ang dalawa ay nakilalang sina Anthony Hargrove, 21 at Adam Mohammad, 22.
Nararapat na isailalim sa matinding drug test ang college athletes bago sila tanggapin sa koponan ng eskuwelahan. Hindi nararapat na makapasok sa team ang mga gumagamit ng illegal drugs. Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sana raw ay maging eye-opener sa mga school ang nangyari sa dalawang varsity player ng FEU. Sila ang dapat maging halimbawa ng kapwa estudyante kaya nararapat na itakwil ang illegal na droga.