EDITORYAL - Maraming nurses na unemployed

MARAMING magtatapos ng nursing ngayong Marso. Magti-take sila ng board exam at tiyak na makakabilang sila sa mga papasa. Pero ang tiyak, marami sa kanila ang magiging jobless. Wala silang mapapasukang ospital sapagkat wa­lang bakante. Maraming nurses ngayon ang walang hanapbuhay.

Napakaraming nurses sa bansa at wala namang kakayahan ang pamahalaan na mabigyan sila ng trabaho. Kaya ang apat na taong pag-aaral ng nur-sing ay nawawalan ng silbi sapagkat wala namang makuhang trabaho. Kahit ang mga kasama sa top 10 ng nursing board exam at nagtapos sa mga pa-ngunahing unibersidad ay hindi rin makakuha agad ng trabaho. At paano na lamang ang mga nag-aral sa mga unibersidad na hindi kilala? Sayang lang ang panahon at gastos sa pag-aaral ng nursing.

Ang ganitong sitwasyon ay nagbibigay pangam­ba sa Department of Labor and Employment (DOLE). Inamin ng DOLE na mahirap talagang makahanap ng trabaho ang mga nurses sa kasalukuyan. Maski sa ibang bansa gaya ng US, Canada, Australia, United Kingdom ay walang hiring para sa Pinay nurses. Kaya pinag-iingat ng DOLE  ang mga nag-aaplay ng nurses sa mga nabanggit na bansa at baka sila malinlang ng recruiters. Marami umanong lumalabas na report na nagtatanggapan ng nurses sa mga nabanggit na bansa.

Ipinayo ng DOLE na dapat maghanap ng alternatibong trabaho ang mga nurses kaysa maghintay sa inaaplayang ospital o medical facilities. Kabilang umano sa mga trabahong nababagay sa unemployed nurses ay medical transcriptionists, billers at health care secretaries. Malaki rin umano ang suweldo ng mga nabanggit na trabaho.

Nararapat din namang kumilos ang Commission on Higher Education (CHED) at atasan ang mga nursing school na takdaan ang dami ng tatanggaping estudyante. Walang saysay ang pagkuha ng nursing kung sa pag-graduate ay wala ring makukuhang trabaho. Isipin ang nasayang na oras at pera sa kurso kung wala ring mapapakinabang.

Show comments