IPINAPAIN lamang ng mga school ang mga estudÂyante sa kapahamakan dahil sa isinasagawang field trips. Sa isang iglap, dahil sa puwersahang pagsama sa field trips, nasayang ang buhay ng mga estudyante. Iniingatan ng mga magulang ang kanilang mga anak at sa field trip lamang pala ang mga ito mamamatay. Napakasakit para sa mga magulang na ang kanilang anak na iginagapang sa pag-aaral ay kakalawitin lamang ni Kamatayan habang nasa field trip.
Katulad nang nangyari sa tatlong estudyante ng Marinduque State College na namatay makaraang ang sinasakyang tourist bus ay bumangga sa isang delivery truck sa Tuba, Benguet noong nakaraang linggo. Ang tatlo, sina Diane Laurio, 18, Marvin Palatino, 31, at Princess Pastorfide, 19, ay kabilang sa 31 Tourism students na nagtungo sa Baguio para sa kanilang field trip. Bukod sa tatlong estudyante, dalawang guro, isang drayber at isang tour guide ang namatay sa malagim na aksidente. Ayon sa police report, mabilis ang pagpapatakbo ng drayber habang pababa at nag-overtake pa sa isang sasakyan nang mabangga ang kasalubong na truck. Anim na estudyante pa ang nasa ospital sa Baguio, dalawa rito ay kritikal pa umano ang kalagayan.
Bago pa ang malagim na field trip sa Baguio, dalawang estudyante ng isang school sa Bulacan ang namatay nang mabangga ng inarkilang tourist bus. Nagtungo sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal ang mga estudyante. Ang kanilang sinakyang bus ay ipinarada sa isang palusong na lugar. Nasira umano ang handbrake ng bus at gumulong sa dalawang estudyante.
Noon pa, marami nang pangyayari na naaksidente ang mga estudyante habang nasa field trip. Mayroong nalunod, napilay, nabagok ang ulo at kung anu-ano pang aksidente. At sa kabila ng mga malalagim na aksidente, patuloy pa rin ang field trip.
Sa pagkakataong ito, dapat nang ipag-utos ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na itigil na ang field trips. Mahalaga ba ito? May nakukuha ba ang mga estudyante rito? Mas mahalaga ang buhay ng mga estudyante kaysa sa pagdaraos ng field trip.