Editoryal - PCSO employees ang nakikinabang

BAKIT ngayon lang lumabas ang pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA) sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ukol sa bonggang pagbibigay ng bonggang Christmas bonus sa mga empleado nito noong 2011. Ayon sa COA, P302.8 milyon ang ipinamahagi ng PCSO para sa Christmas bonus ng mga empleado. Bukod sa Christmas bonus meron pang Grocery Assistance Program ang mga empleado. Ayon pa sa COA, dalawang buwan ang Christmas bonus ng mga empleado. Ayon pa sa report ng COA, ginagamit din ang pondo ng PCSO para sa medical benefits ng kanilang mga empleado at mga kaanak ng mga ito.

Ayon sa COA hindi dapat ginagamit ang pondo ng PCSO para sa kanilang empleyado sapagkat ito ay nakalaan dapat sa mga mahihirap na mamamayan. Ipinaliwanag ng COA na ang Charity Funds ay nakalaan para sa national health programs at medical health assistance ng indigent patients. Nadiskubre umano ng COA na ang annual medical benefits ng mga empleado ng PCSO ay naka-charge sa Charity Fund imbes na sa Operating Fund ng tanggapan.

Ang Christmas bonus para sa 2011 pa lamang ang nahahalungkat ng COA, paano ang mga nakaraan pa. Magkano ang nagastos noong Christmas 2010 at noong nakaraang Christmas 2012? Tiyak na namutiktik ang bulsa ng mga empleado ng PCSO noong nakaraang Pasko. Tiyak din na marami silang naiuwing groceries. Dalawang buwan ang Christmas bonus at kung anu-ano pang mga bonus.

Habang maraming manggagawa ang nagtitiis sa kapiranggot na Christmas bonus at ang iba ay nangutang pa para may maipang-Noche Buena, ang pondo naman pala ng PCSO ay naipamudmod sa mga empleado. Bakit kailangang pakialaman ang pondo na nakalaan para sa mahihirap.

Habang namumudmod ng bonus ang PCSO, marami rin namang mahihirap na pasyente ang nakapila sa mga government hospital na umaa-sang magagamot sila roon. Iyong iba ay nawawalan na ng pag-asang makapagpagamot sapagkat kapiranggot ang nakukuhang tulong sa PCSO. Ngayon ay alam na nila kung bakit ganoon kaliit at kung bakit kailangang pumila nang pagkahaba-haba para makapagpagamot.

Halungkatin pa ng COA ang PCSO.

Show comments