Sa pook ninyo ipatanggal sa Comelec

MARAMING mambabasa na nag-react sa artikulo ko tungkol sa AnDayaMo (Anti-Dynasty Movement). Nais nilang ipa-disqualify din ng grupo ang political dynasts sa kanilang pook. Tatlo rito ang pumapatak sa dalawang depinisyon ni Atty. Alex Lacson ng “lantarang dynasts.” ‘Yun ay asawa, magulang, anak, o kapatid na umaasintang humalili sa nakaupo, at ‘yung mga sabay na kumakandidato para sa konektadong puwesto, tulad ng governor at vice governor o mayor at vice mayor.

Sa Pantabangan, Nueva Ecija, nagpapahalal muli si Mayor Romeo Borja Sr. at anak na Vice Mayor Romeo Jr. Sa Batangas City, bumabalik si datihang Eduardo Dimacuha bilang mayor, kapalit ng asawang Vilma. Sa Ozamiz City tumatakbong mayor si Reynaldo Parojinog, kasabay ang anak na incumbent Nova Princess P. Echavez sa pagka-vice.

Umamin ng takot ang mga mambabasa sa mala-Ampatuan na gawi ng kanilang dynasts. Kaya sa AnDayaMo sila umaasa. Pero, ani Lacson, ibubuhos nila ang atensiyon sa anim lang na kinasuhan: Rodrigo Duterte ng Davao City, Dennis Pineda ng Pampanga, Sherwin at Rexlon Gatchalian ng Valenzuela City, at Luis at Miguel Villafuerte ng CamSur.

Tutulong si Lacson sa mga mambabasa na magsampa ng kaso sa Comelec local offices nila. Iakma at dagdagan para sa pook ninyo  ang petisyon ng AnDayaMo. Lumiham sa andayamoxxx@gmail.com.

Kung magningas ito, lilindolin ang Comelec ng mga sakdal laban sa political dynasties. Mababatid ng ahensiya ang hinaing ng bayan: ipatupad na sa wakas ang pagbabawal nito sa Konstitusyon.

Pero kailangan dito ng tatag ng loob. Kung wala ni 100 o miski sampu man lang na titindig para sa matuwid sa pook ninyo, marapat lang marahil na magunaw ito na parang Sodom at Gomorrah.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments