DAHIL walang defining law, naghahari ang political dynasties nang labag sa Konstitusyon. Pero anang Anti-Dynasty Movement (Andaya Mo), marami nang depinisyon ng dynasties. Nariyan ang mga diksyunaryong legal at ordinaryo, at ang mga ehemplo sa deliberasyon ng 1986 Constitutional Commission. Nariyan ang malinaw at payak na salita mismo ng Konstitusyon, at ang depinisyon ayon sa Korte Suprema na bahagi ng mga batas.
Idinetalye ng Andaya Mo ang mga naturang depinisyon, upang tiyakin ang dalawang uri ng lantarang dynasty. Una, ang pagkandidato para humalili sa asawa, magulang, anak, o kapatid na nasa puwesto. Ikalawa, kumakandidato ang mag-asawa, magulang at anak, o magkapatid para sa magkadikit na posisyon ng mayor at vice mayor, o governor at vice governor.
Batay sa dalawang uri, ipinadi-diskwalipika ng Andaya Mo sa Comelec ang anim na “lantarang dynastsâ€: sina Rodrigo Duterte ng Davao City, Dennis Pineda ng Pampanga, Sherwin at Rexlon Gatchalian ng Valenzuela City, at Luis at Miguel Villafuerte ng Camarines Sur.
Dating city mayor na si Duterte, na nag-slide down sa vice mayor para iupo ang anak nang isang termino, at ngayon ay kumakandidato para pumalit sa anak. Si Pineda, kasalukuyang mayor, ay tumatakbong vice governor ng ina na nagpapa-reelect na governor. Sina Gatchalian, isang mayor at isang congressman, ay kumakandidato para humalili sa isa’t isa. Ang dalawang Villafuerte, lolo at apo, ay naglalaban para pumalit sa anak-ama.
Anim lang muna ang pinupuntirya ng Andaya Mo. Pero kung makapagpa-diskuwalipika sila, humanda raw ang iba pang dynasts.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com