MARAMI ang nagulat sa desisyon ni Pope Benedict XVI na magbitiw sa tungkulin bilang Santo Papa sa Pebrero 28. Paghina ng katawan at edad ang dahilan. Pero patuloy pa rin ang ispekulasyon kung ano ang tunay na dahilan ng kanyang pagbitiw. Ang nakasanayan na kasi ay namamatay ang Santo Papa habang nakaupo bilang pinuno ng simbahang Katoliko. Kapag nabakante ang silya ni San Pedro, ay saka lang nabubuo ang Conclave, na boboto ng panibagong Santo Papa. Ipinapahiwatig ito ng puting usok na lumalabas mula sa asuhan ng Vatican. Kapag itim ang lumabas na usok, wala pang napipiling Santo Papa.
Maigting ang paniniwala ni Pope Benedict XVI sa mga tradisyon ng Simbahang Katoliko. Nagpahayag na dapat mas madalas ang pagdinig ng misa sa salitang Latin! At tutol siya sa pagpapakasal ng magkaparehong kasarian, pag-aasawa ng mga pari at mga babaing pari. Sa madaling salita, malalim sa mga unang tradisyon si Pope Benedict XVI. Kaya naman may mga nagsasabi na baka may pagdiin sa kanya na paluwagin ang kanyang mga paniniwala. May mga nagsasabi rin na baka nawalan na siya ng gana dahil sa hindi pagsunod sa kanyang mga pahayag, pati na ang mga iskandalo na yumayanig sa simbahan, tulad ng mga pari na sangkot sa kalaswaan, pati na sa krimen!
Kaya mabilis din ang pahayag ng simbahan ukol sa pagboto ng panibagong Santo Papa. Marami pa ring Katoliko sa mundo, pero walang magtatanggi na nabawasan na nang malaki ang bilang. Siguro dito sa Pilipinas makikita ang katotohanang iyan, base lang sa mga sumang-ayon sa RH Bill na kinontra naman nang husto ng simbahan. May balita rin na dahil cardinal na si Cardinal Luis Tagle, puwede maisama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga puwedeng pumalit kay Pope Benedict XVI! Maganda isipin kung isang Pilipino nga ang maging sunod na Santo Papa, pero tiyak na may mga paborito na ang mga boboto kapag nabuo ang Conclave. Pero malay natin, di ba?
Marami rin ang pumuri sa desisyon ni Pope Benedict XVI. Kung hindi na talaga kaya, huwag na raw pilitin. Sana nga raw ay magsilbing halimbawa sa mga susunod na Santo Papa, na wala namang kahihiyan kung bumitiw na nga sa tungkulin, basta’t may balidong dahilan. Marami rin ang nagsasabi na sana ay mas bata ang ipalit na Santo Papa, para malusog at mas maiintindihan ang mga panahon ngayon. Pero hindi ganun kadali, dahil sa mga malalalim na tradisyon na nakaukit na sa Simbahang Katoliko, na siya ngang ipinaglaban ni Pope Benedict XVI. Mukhang kawili-wili ang mga mangyayari, habang hinihintay natin ang susunod na kabanata ng simbahan!