Kilatis

KAHAPON ang opisyal na umpisa ng campaign period para sa Senatorial at Party-list Elections. Gaya ng nakaugalian tuwing kampanya, susuriin ng Report Card ang mga kuwalipikasyon, programa, rekord at public statements ng mga kandidatong nakikiusap sa bayan.  Bahagi ito ng katungkulan natin bilang media na tumulong upang ang halalan ay siguruhing patas, malinis at mapayapa. Wala po akong koneksyon sa mga kandidato maliban sa aking amang si Senator Ernie M. Maceda (para Senador), kapatid na si Councilor Edward P. Maceda (para Konsehal ng Maynila sa District 4) at tiyahin na is Congresswoman Gina P. de Venecia (para Kongresista sa Pangasinan, District 4).

Bilang dati na ring nanungkulan sa pamahalaan, mayroon akong kaunting  pag-unawa sa dedikasyon at determinasyong hinihingi ng puwesto. Kahit sino ay maaring magprisinta sa bayan at kung sinuman ang pagkatiwalaan, sa kanya rin ipagsasapalaran ang pag-asa. Kaya nga lang ay hindi lagi na ang pinaka-kuwalipikado ang siyang nananalo. Hindi parating sulit ang ating mga boto.

Sa dami ng tumatakbo, kikilatisin ng Report Card ang inaakalang may kakaibang katangian at plataporma at tutulong na ilahad sa madla. Kapag meron ding kailangang punahin ay hindi ako mag-aatubiling ituro kung saan at papaano maaring baguhin ang kapuna-punang gawain. Ang pagpili ng kandidato ang pinakamahalagang paraan, kasama ng pagbayad ng buwis at pag-obserba ng mga itinatakda ng batas, upang patotohanan ang kapangyarihan natin bilang mamamayan. Sa isang demokrasya kung saan ang kagustuhan ng nakararami ang nasusunod, kailangan ay pulido ang proseso ng paghango ng desisyon ng mayorya mula sa milyon milyong Pilipino. Sa eleksyon naririnig ang ating boses. Kaya tumulong tayong lahat upang makapagdesisyon tayo ng mabuti at batay sa pinakakumpletong kaalaman at impormasyon tungkol sa mga kandidato, maging positibo man ito o hindi.

Ang misyon ng aking kolum ay ang magbigay ng konstruktibong komentaryo sa mga ginagawa ng ating public officials. Kaya ako nangahas na tawagin itong Report Card ay dahil may karapatan ako, gaya ng bawat isa sa ating mga mamamayan, na timbangin ang performance ng mga taong kumakatawan sa atin sa pamamahala sa atin.

Show comments