‘Pagkulong’ sa Sabah, pag-iwas sa hustisya

ANG bilis ng mga pangyayari. Biglang “hinabla” si fugitive Pilipino swindler Manuel Amalilio sa Sabah, Malaysia, nu’ng Lunes, Pebrero 4. Anang pulis, “hinuli” siya sa Kota Kinabalu airport nu’ng Enero 25, Biyernes. Nilabag umano niya ang 1966 Passports Act ng Malaysia, dahil may hawak siyang “pekeng” Philippine passport. Apurahan ang “paglilitis”: idinaos mismo sa hospital ward kung saan nag-check-in siya sa sakit sa atay. “Umamin” siya sa sala, at agad “sinentensiyahan” ng dalawang taong pagkulong. Dahil dito, hindi siya maibabalik sa Pilipinas, kung saan wanted siya sa pag-swindle ng P12 bilyon sa 15,000 taga-Visayas at Mindanao. Kumbaga, ang “pagkulong” sa Sabah ay pag-iwas sa hustisya sa Pilipinas.

Palabas lang ang lahat. Si Amalilio, tulad ng in-expose ko, ay pamangkin ni Sabah Chief Minister Musa Aman, pinsang buo ng nanay niya. Kapatid ni Musa si Foreign Mi-nister Anifah Aman, at kamag-anak ng dalawa si Attorney General Abdul Gani Patail -- mga opisyal na dapat kausapin ng Pilipinas para mapasakamay si Amalilio.

Kabulaanan na Enero 25 hinuli si Amalilio. Dinakip talaga siya sa Ranau, Sabah, 108 km mula Kota Kinabalu, nu’ng Enero 22, Martes. Inabisuhan ng Interpol-Malaysia na sunduin siya ng NBI. Pero nu’ng Enero 25, sa Kota Kinabalu airport nang pa-Maynila na ang NBI agents, binawi ng Sabah police si Amalilio mula sa kanila 10 minuto bago ang flight.

Kung totoong peke ang Philippine passport ni Ama­lilio, bineripika ba ito ng Malaysia kay Justice Sec. Leila de Lima, na nagsasabing genuine ito at Pilipino si Amalilio? Ipagpalagay ngang peke ang Philippine passport, di ba’t Pilipinas dapat, hindi Sabah, ang magkulong sa kanya dahil batas ng Pilipinas ang nilabag? Kinakanlong nila siya.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments