NAKAPAGTATAKA ang mabilis na pagkakahatol ng Malaysian court kay Manuel Amalilio, pinuno ng Aman Futures, dahil sa pag-iingat ng pekeng pasaporte. Dalawang taon ang sentensiya kay Amalilio. Maraming Pinoy na investors ng Aman ang nadismaya. Maghihintay pa sila ng dalawang taon kung ganoon. Napakatagal niyon. Maraming maaaring mangyari kay Amalilio habang nakakulong. Maaaring makatakas siya sa bilangguan at lusot na siya. Marami umanong kamag-anak si Amalilio sa Malaysia at pawang maiimpluwensiya.
Habang hinihintay ang walang kaseguruhang pagbabalik ni Amalilio, dapat namang ipursigi ang pag-prosecute sa mga naging kasapakat o kakutsaba ni Amalilio sa panloloko sa 15,000 investors. Bukod sa anim na opisyal ng Aman na ngayon ay nasa kamay na ng NBI, simulan din ang pag-prosecute sa governors, mayors at iba pang local officials na naging instrumento ni Amalilio para maloko ang investors. Umano’y isang mayor pa ang tumulong kina Amalilio para akitin ang mga tao na mag-invest sa Aman. Hinikayat umano ng mayor ang mga nasasakupan at nangako na malaki ang kikitain ng kanilang pera. Ayon pa sa report, tatakbo pang mayor sa May 13 elections ang nasabing kakutsaba ni Amalilio. Hindi dapat makapuwesto ang taong nagsamantala sa kanyang mga kababayan.
Maraming investors ng Aman ang tulala makaraang malaman na bumagsak na ito. Ang ilan ay halos masiraan ng ulo sapagkat ang kanilang pera na umaabot sa milyon ay ini-invest sa Aman Futures. Isang retiradong guro na ini-invest lahat ang retirement pay ang nagpakamatay nang malamang bumagsak ang Aman. Ang ilan ay nagsabing kahit ang puhunan na lamang ang ibalik at huwag na ang interest.
Huwag nang magpatumpik-tumpik pa sa pag-prosecute sa mga kakutsaba ni Amalilio. Nararapat nang umusad ang kaso at mapagbayad ang mga manloloko. Nararapat silang maitapon sa bilangguan at hayaang mabulok doon.