IBINASURA ng korte ang petisyon ni Becky. Hindi tinanggap ang sinasabing negatibong epekto ng Dependent Personality Disorder kuno ng asawa nitong si Jim. Ayon sa korte, ipagpalagay man na maraming kapintasan at pagkukulang si Jim dahil hindi man lang niya nakuhang makapagtrabaho para suportahan ang kanyang sarili at pamilya, hindi naman daw maitatanggi na nagsama sila bilang mag-asawa sa loob ng 35 taon at nakuhang magpalaki ng tatlong anak at naging matagumpay pa nga si Becky sa kanyang trabaho at sa maraming bagay. Malinaw na hindi naging hadlang ang sinasabing psychological incapacity o diperensiya ni Jim para magampanan ang papel niya bilang mister ni Becky. Ayon sa korte, base sa katibayang nabanggit ay maaasahan si Jim na mahalin, maging tapat at magbigay ng suportang moral sa kanyang misis. Nang umapela si Becky sa Court of Appeals ay pareho rin ang naging hatol sa RTC. Tama ba ang RTC at CA?
TAMA. Ang kawalan ng kapasidad ng isang tao na gampanan ang mga obligasyones niya bilang isang asawa ay dapat na katumbas ng isang psychological abnormality sa utak at hindi basta simpleng kapabayaan, kapalpakan o pagtanggi lang na harapin ang kanyang tungkulin bilang isang asawa. Ang matigas na pagtutol ni Jim na alagaan ang kanyang mga anak, ang kapabayaan niya sa pagharap sa kanyang mga negosyong pinasok, ang kawalan niya ng kakayahan na makakuha ng trabaho at ang diumano ay matindi niyang pagseselos ay hindi sapat na patunay na mayroon siyang matinding karamdamang emosyonal o matinding baltik siya sa utak para ituring na siya’y may psychological abnormality. Hindi sapat na ipakita na hindi nagampanan ng isang asawa ang dapat ay papel niya sa pamilya. Dapat din na patunayan na kaya hindi niya nagampanan ang kanyang papel ay dahil sa mayroon nga siyang karamdaman sa utak.
Puwede sana na mas naging matulungin si Jim sa kanyang misis para naging mas maganda ang kanilang pagsasama. Pero dahil hindi nga niya ito ginawa ay may psychological incapacity na siya at hindi na niya kayang gampanan ang mga obligasyones niya bilang asawa.
Sigurado nga na naging maÂhirap ang buhay may-asawa nila dahil maraming naging away, pagtatalo at pagsusumbatan. Pero lahat naman ng pagsasama ng mag-asawa ay dumadaan sa ganitong pagsubok at puwede pa nga na mas matindi pa ang pagdaanan ng iba kaysa sa kanila. Sabihin na naging magulo at mapusok ang naging pagsasama ni Becky at Jim pero kung titingnan, nakuha na nga nila na magsama sa loob ng 35 taon, ibig sabihin lang nito, kung gugustuhin nila ay kaya pa nilang ayusin ang kanilang problema (Yambao vs. Republic, G.R. 184063, January 24, 2011).