Environmental massacre

ANG USS Guardian, barkong pandigma ng US Navy, ay sumadsad sa coral reefs ng Tubbataha at nakasira ng tinatayang minimum na 1,600 sq. m. minimum area, katumbas ng tatlong basketball court sa laki.

Habang hindi pa natatanggal ay patuloy itong gumagasgas sa dinadaganang corals. Natatangay pa ng alon at hangin kaya lalong lumalawak ang area na sinisira ng barko. Mabuti at nasipsip na ang 15,000 gallons nitong diesel oil. Sana ay hindi lalong magasgas ang mga coral pagdating ng barkong lulan ang mga giant crane na bubuhat sa USS Guardian. Ang Tubbataha ay hindi lamang National Treasure at National Pride, ito’y World Heritage Site pa kaya ang kagandahan nito’y dangal ng buong mundo.

Mahirap kuwentahin ang danyos. Tinawag na Giant Fish Factory ang Tubbataha na may 600 uri ng iba’t ibang isda. Matatagalan bago makabalik ang mga isdang ito sa dating tinitirahan sa reef. Mahigit daw 100,000 na mangingisda ang maapektuhan dahil sa kawalan ng isda. At sa Tubbataha coral reefs kung saan mahigit kalahati ng lahat ng uri ng coral sa mundo ay matatagpuan, kailangang maghintay ng 250 years kada metro bago ito maibalik sa dati. Kung ihahambing natin sa ibang natural wonder halimbawa sa Amerika, para mong pinasabugan ang Grand Canyon at nag-iwan ng butas na ga-tatlong basketball court. Mantakin mo kung isang Philippine Army plane ang nakapasok sa American air space at nag-crash sa Grand Canyon? Patawarin kaya tayo ng mga Amerikano?

Magkakaroon ng imbestigasyon sa crew ng barko sa kung paano nangyari ang ganitong kalaking trahedya. Ano man ang resulta ay malaki ang pananagutan ng US. Hindi nila matatakasan ang danyos na abot P50 million, depende sa laki ng sira. Nangyari na rin ito sa Hawaii kung saan wala pang 900 sq. m. ng coral ang nasira. Nangakong magbayad doon ang US Government ng P610 Million! Obligasyon din nilang alisin ang barko at tumulong na i-repair kahit papaano ang reef, kahit pa pansamantalang lagyan ng artificial reef ang kanilang sinira o tumulong na muling i-attach ang coral colonies nang mapabilis ang tubo.

Nakakapanghinayang na nangyari ito matapos natin makuha ang suporta ng Amerika sa Panatag Shoal. Titriplehin pa man din sana ang kanilang military aid na aabot $30 million. Ito ang mga konside­rasyong nagpahirap sa desisyon ng presidente ng kung paano sisingilin ang mga Kano kahit pa nagsabi na siyang: “Excuse me, we sustained damage. Do we leave it at that?”

Show comments