‘Ano ang dahilan ng tipus?’

“Dr. Elicaño, ano po ang dahilan at nagkakaroon ng tipus o thypoid fever? Saan po nakukuha ito at ano ang mga palatandaan ng sakit na ito? Maraming salamat po.” — DIGNA CRUZ, Bagbaguin, Caloocan City

Ang typhoid fever  o tipus ay kagagawan ng bacterium na nasa tubig. Kapag ang tubig ay nainom, dito na magsisimula ang tipus. Karaniwang ang mga tao na kumukuha ng inuming tubig sa ilog o balon ang nagkakaroon ng tipus.

Depende sa dami ng organisms na pumasok sa katawan kung gaano kabilis lumabas ang sintomas ng tipus.

Ang mga sintomas ng tipus ay ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, kasu-kasuan, tiyan, lalamunan at pagdurugo ng ilong. Makararanas din ng pagkauhaw, pagtatae na may kahalong dugo at pagkakaroon ng rashes sa tiyan at dibdib.

Kapag sobra na ang taas ng lagnat ng may tipus, manghihina siya at halos hindi makabangon. Isang delikadong mangyari sa may tipus ay ang paghina ng tibok ng puso.

Ang iba pang kumplikasyon ay ang pneumonia, acute hepatitis, cholecystitis, meningitis, tissue abscesses, endo­carditis at kidney inflammation. Ang mga kumplikasyong ito ay maaaring ikamatay.

Ang Antibiotics na chlorampenicol, ampicillin, ceftriaxone at cefoperazone ang ibinibigay sa may tipus. Payo ko, na kumunsulta muna sa doctor bago mag-antibiotics.

Ang kalinisan sa bahay at kapaligiran ang nararapat para hindi magka-tipus. Magsabon ng kamay at hugasan itong mabuti.

Magpabakuna laban sa tipus. Magpahinga upang madaling makarekober sa tipus.

 

Show comments