Pawang datung
MABUTI pa ang mga magagaling nating senador at naalala pa nila ang mga pinautang na datung at utang na loob na pinakawalan noong maganda pa ang pagsasamahan. Ngunit ngayon na nabulgar na ang dapat mabulgar dahil sa Christmas bonus lumabas na ang totoo nilang kulay at ugali. Nakakatawa naman ang nangyayari sa Senado. Mantakin n’yo nag-ugat lamang ito ng isauli ni Sen. Miriam Santiago ang P200,000 Christmas bonus kay Senate President Juan Ponce Enrile. Samantalang si Enrile naman isinauli ang biskwit na regalo ni Santiago dahil masama ito sa kanyang kalusugan. May diabetes kasi si Enrile kaya bawal na bawal ang matatamis na pagkain. Doon na nagsimula ang pagbubulgar sa di parehas na bigayan ng Christmas bonus. Mabuti pa si Sen. Antonio Trillanes tinanggap ang P200,000 bonus at ipinamudmod sa mga sinalanta ng bagyong Pablo sa Compostela at Davao.
Masama naman ang loob ng may 8 milyon nating kababayan. Kasi nga bakit naman ganon kalaki ang Christmas bonus na ipinamudmod ni Enrile sa mga senador gayung maraming mahihirap sa bansang ito ang halos hindi na kumakain ng 3 beses sa maghapon. Susmariyusep! Sa puntong ito tumigas ang mga litid ni Santiago at kamuntikan nang mabulag nang pumutok ang ugat sa mata sa galit. Hiniling ni Santiago na dapat na ipa-audit ang pera na ga-ling kay Enrile upang malaman kung sa mga proyekto ito napunta o sa bulsa.
Naghugas-kamay ang Commission on Audit sa usaping ito dahil wala umano silang karapatan na magsagawa ng auditing sa naturang pera dahil galing naman ito sa saving ng Senate President. Naku po, mukhang taliwas yata ito sa “tuwid na daan†ni P-Noy. Kasi nga kung ang mga nakaraang opisyales na lumustay ng datung mula sa Philippine Gaming Corporation, GIIS at Okada Casino scam eh hinahabol pa sa ngayon samatalang ang pera na sinasabi ni Enrile ay walang karapatan ang COA. Mukhang taliwas nga ito ayon sa aking mga nakausap dahil ang perang natipid ni Enrile ay galing sa taxpayers na dapat na ibalik ito sa government treasury upang maidagdag sa mga proyekto ng gobyerno. At dahil nga malala na itong turuan kung sinu-sino ang nabiyayaan ng milyong Christmas bonus nakipagbangayan na si Senator Allan Peter Cayetano kay Enrile. Na-high blood si Enrile sa mga binitiwang pahayag ni Cayetano kaya naungkat ang utang ng namayapang ama na si compañero Rene Cayetano. Maganda pa umano ang pagsasama nina Enrile at compañero Cayetano sa Law Firm. Ultimo kahoy umano na ipinagpagawa sa bahay nito ay galing kay Enrile.
Mukhang napuruhan si Allan Cayetano sa binitiwang salita ni Enrile kung kaya bumanat ito nang malalimang salita at nabanggit nito ang pagiging dikit to the bones sa Chief of Staff na si Gigi Reyes. Kasi noon pa man ay palaging nasa likuran ni Enrile si Gigi Reyes kahit na esklusibong meeting ng mga senador. May malaking utang na loob din kaya si Enrile sa kanyang Chief of Staff. Abangan!
- Latest