HOMESTRETCH na ng ika-15 na Kongreso. Ilang araw na lamang ang natitira at mag-adjourn na muli ang House at ang Senado.
Ang implikasyon nito sa mga nakabinbin na panukala ay back to square one na naman sila sa pagbukas ng sesyon sa Hunyo. Ang numero unong biktima nito kung sakali ay Freedom of Information (FOI) Bill. Ganito rin ang mapait na karanasan ng FOI sa ika-14 na Kongreso noong 2007. Gaya noon, pasado na sa Senado ang panukala subalit ang House ay hindi makadesisyon. Death by inaction ang nangyari.
Matagal nang iniiyakan ng lipunan ang kawalan ng suporta ni President Aquino sa isang batas na dapat ay haligi ng kanyang programang “matuwid na daanâ€. Isinama pa nga ito sa kanyang campaign platform. Subalit nang naupo na, naglaho ng parang bula ang kanyang gana na ibukas sa lahat ang mga rekord ng pamahalaan. Kung dati’y pinakamatimbang ang karapatan ng taong malaman ang pinaggagagawa ng kanilang lingkod bayan, ngayon ay mas matimbang na kay P-Noy ang karapatan ng opisyal sa sariling nitong privacy.
Huling hirit na lamang ng mga supporter ng FOI na mismong ang pamunuan ng House, sina Speaker Sonny at Majority Leader Neptali, ang magtulak dito na urgent. Hindi man ito ginawa ay inumpisahan naman noong Lunes ang debate para ito’y pag-usapan. Ang problema’y ang bersyon na ginagamit ngayon ng House ay ang isinulat mismo ng Palasyo. Ito’y nagbibigay ng kapangyarihan sa Presidente na ipagbawal ang release ng piling impormasÂyon sa pamamagitan lang ng executive order kahit pa iniuutos na ito ng mismong batas. Dahil dito’y iniatras ng mga militanteng party list groups ang kanilang suporta sa panukala. Kung dati’y sila ang nangunguna sa pag-lobby para maipasa na ito, ngayon ay tatayo silang hadlang sa pagpasa nito dahil imbes na makatulong ay lalo pang pahihirapan ang access sa official information. At maipasa man ito ng House ay siguradong hindi rin papayag ang Senado sa ganito.
Mukhang hindi pa rin ma baklas ng Kongreso ang tanikalang bumabalot sa public information sa ilalim ng pamunuan ni President Benigno C. Aquino III.