May isang buwan na ring nawawala ang 352 na mangiÂngisdang lumayag sa kasagsagan ng Bagyong Pablo noong December 4. Hindi pa rin sila nakikita hanggang ngayon kahit na pagkatapos na sinuyod ng ating Philippine Navy at Coast Guard ang ating karagatan sa timog Mindanao.
Dati ayaw maniwala ng mga otoridad na nawawala nga ang mga nasabing mga mangingisda. Ngunit nung isa-isa nang nagsulputan ang mga kapamilya ng mga nasabing mga mangingisda at nagkaroon na rin sila ng pangalan at mukha, sineryoso na ng ating mga Navy at Coast Guard personnel ang paghahanap.
Ang 352 na mangingisda ay lulan sa may 47 fishing vessels na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ni isa man sa kanila.
Maging ang mga air at water vessels ng United States Armed Forces ay ginamit na rin sa nasabing search and rescue operation. Ginamit na ang mga eroplano at maging helicopter at barko ng America sa paghahanap ngunit bigo pa rin silang makita ang mga mangingisda.
Nagdadalamhati na ang kanilang kamag-anak na walang sawang naghihintay ng ano mang magandang balita ukol sa patuloy na paghahanap.
Ang mga nasabing 352 mangingisda ay pawang mga taga General Santos City. At umabot na nga sa mga karatig bansa gaya ng Indonesia at Malaysia at maging ng Brunei at Palau ang paghingi ng tulong ng ating mga opisyales kung sakali ngang mapadpad ang mga nawawalang mangingisda sa kanilang territorial waters. Ayon kay Lt. Gen. Jorge Segovia, commander ng Armed Forces Eastern Mindanao Command (Eastmincom), kinakailangan na talagang ihinto ang paghahanap sa ating mga nawawalang mangingisda dahil nga malaki ang posibilidad na sinira ng Bagyong Pablo ang kanilang mga fishing vessels sa sobrang lakas ng hangin at alon.
Naikuwento ng mga mangingisda na nasalba kung gaano kalupit ang hagupit ng Bagyong Pablo lalo na sa gitna ng dagat noong panahong iyon.
Minabuti ng ating mga otoridad na itigil na ang search and rescue operation para sa mga mangingisda dahil nga rin na mas mabuting ituon na lang sa ibang mahalaga ring bagay kagaya ng rebuilding and rehabilitation efforts para sa mga nasalanta ng Bagyong Pablo.
Ganun pa man ang naging pasiya ng ating mga AFP at local government officials, na ihinto na nga ang search and rescue operations para sa 352 na mangingisda, sana naman kahit paano babalikan din nila ang ating karagatan sa timog Mindanao baka sakaling makita nila kahit ilan lang kung hindi man lahat ng mga nawawalang mangingisda. (ERR)