Santo Niño

Nagliwanag sa sandaigdigan sa pagsilang ng anak ng Diyos. Kaya’t magpasalamat tayo sapagka’t pinagkalooban Niya tayo ng lahat nang pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakiki-isa sa Kanyang Anak na si Hesus.

Ngayong linggo ding ito ang pagdiriwang sa imahen ng Santo Niño. Ang sentro ng ating kasayahan ay ang Cebu na kung saan ay dinala ng mga Kastila ang imahen bilang regalo kay Reyna Humabon noong sakupin nila ang bahaging ito na pinagmulan ng bansang Pilipinas mula sa pangalan ni Haring Felipe ng España. Simula noon ay naging bahagi ng ating buhay na sa  Sanggol na si Hesus isinilang ang ating pananampalataya.

Ang ebanghelyo ngayon ay pagpapahayag sa atin ng katalinuhan ng Batang si Hesus noong Siya ay labingdalawang taon. Isinama Siya nina Maria at Jose upang magdiwang sa kapistahan at pasasalamat sa Diyos ng mga Judio sa Templo ng Jerusalem. Matapos ang pagdiriwang ay umuwi na sila sa Nazaret subalit napag-alaman nilang nawawala si Hesus. Bumalik sila at “natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig Siya sa kanila at nagtatanong, ang lahat ng nakarinig ay namangha sa Kanyang katalinuhan”. “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin?” Sumagot Siya “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako’y nasa bahay ng Aking Ama?” Hindi nila ito naunawaan, umuwi silang kasama Siya. Naging masunuring Anak. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.

Maging inspirasyon nawa ito ang mga kabataan ngayon na tularan si Hesus sa pagpasok sa simbahan upang manalangin upang bigyan sila ng lubos na katalinuhan at kabutihan. Kaya kayong mga magulang himukin  ninyo sila tuwina sa pagdarasal.

Is 9:1-6; Salmo 97; Efeso 1:3-6, 15-18 at Lk2:41-52

* * *

Maligayang pista sa parokya ng Santo Niño de Para­da, Santa Maria, Bulacan at sa blessing ni Bishop Jose T. Oliveros sa inayos na kumbento at parish hall ng kura paroko na si Fr. Froilan R. Austria.

 

Show comments