^

PSN Opinyon

“Isang himas mo lang...”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANO bang meron kay ‘Charlie’ at parang isang himas lang niya kay ‘Emy’ gusto na siya agad nitong makatabi?

Una na naming naitampok ang istorya ng isang 55 anyos na biyuda na si Maria Emilia Dullano o “Emy” at bagong asawa nitong si Charlie Dullano, 41 anyos.  Pinamagatan namin ang artikulong ito na ‘Kasal gawa sa impyerno’.

Mahaba ang tinakbo ng buhay pag-ibig ni Emy, matapos mamatay ang asawang tatlong dekada ang tanda sa kanya, muli siyang umibig sa boarder na si Charlie, mas bata… labing apat (14) na taon naman ang agwat sa kanyang edad.

Boto man ang mga anak ni Emy sa una at nauwi man sa kasalang bayan ang kanilang relasyon… unti-unting lumabas ang nakakakilabot na ugali ng mister bago pa ipanganak ang kanilang kaisa-isang anak, 12 anyos na ngayon.

Napadalas ang pag-inom nito. Kapag nalalasing siya daw mismo ang umaaming galing siyang ‘beer house’. Naging siga rin at palaaway si Charlie, minsan na daw siyang humimas sa rehas matapos maghabol ng itak.

Ang pinaka nakakapanindig balahibo, ayon kay Emy, muntik rin umano nitong gahasain ang anak na dalaga. Hinipuan rin umano niya ang kanyang apo.

Sukdulan man ang pinakita ng mister, hindi siya nagawang iwan ni Emy. Bumili pa sila ng bahay para bumukod. Nitong huli, taong 2011, matapos madulas sa Pasig-Palengke, hindi makalakad at nanatili sa ospital ng ilang buwan, umuwi na lang siyang may bago ng babae si Charlie.

Nakilala niya itong si Annabel, ‘boarder’ ng mister. Masahista sa isang Korean Massage.

“Nakita kong may mga bra at panty nang nakasampay sa bahay,” pagsasalarawan ni Emy.           

Pansamantalang lumayo si Emy sa asawa subalit bumalik rin ng ‘di makatiis. Itim na dingding at mga naabong kasangkapan na lang ang naabutan nito. Nalaman niya nasunog ang kanilang bahay habang nangaganak si Annabel.

Natauhan si Emy sa nadatnan…mula nun hindi na niya kinibo pa ang asawa hanggang ibalita nitong papunta na siyang Africa. Iniwan sa kanya ang ATM na hinuhulugan nito ng halagang Php5,000 kada buwan. Maliit kumpara sa kita ng mister na hindi  bababa sa 30 libong piso. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa’min.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN) nung ika-14 ng Nobyembre 2012.

Bilang agarang aksyon pinayuhan namin siyang magsampa ng kasong Petition for Support. Para naman malaman niya kung magkano ang tinatanggap ni Charlie kada buwan, pumunta siya sa Philippine Overseas Employment Administration  (POEA) at kumuha ng kopya ng Overseas Filipino Worker (OFW) Information Sheet.  Dito niya malalaman ang rekord ng pag-alis ni Charlie maging ang ahensya nito.

Ika-09 ng Enero 2013, muling bumalik sa aming tanggapan si Emy. Ayon sa kanya, katapusan ng Nobyember 2012, muling nagtatawag sa kanya si Charlie. Wala na daw sana siyang balak sagutin ito subalit ‘dis oras ng hatinggabi panay tunog ng kanyang cellphone. Napilitan daw niya itong sagutin.

“Mi… ano susunduin mo ba ako? Uuwi ako Dec. 11, 2012… 11PM. Magkita tayo sa dating lugar…” pakiusap ng mister.

“Bakit Tay…Nagbago ka na ba?” tanong ni Emy.

Ang naging sagot ni Charlie, “Basta…”

Nagbukas muli ng pinto si Emy sa asawa, muli silang nagkatext at nagkausap na para bang walang nangyari… parang limot agad ni Emy ang kasalanan nito.

Isang linggo, bago umuwi si Charlie, biglang nagbago ng isip nito at ayaw ng magpasundo. Paliwanag niya sa misis, mag-i ‘stop over’ daw sila sa Hong Kong. Hindi daw niya alam kung anong oras sila lalapag sa Pinas.

“Tatawag na lang ako…” sabi nito.

Unang linggo ng Disyembre, tumawag muli si Charlie. “Mi, dito ko 7-Eleven sa Pasay Rotonda, magkita tayo!”

Mabilis na pumunta sa lugar si Emy, nilapitan ni Charlie at binulungan siyang, “Mag-usap muna tayo…”               

Bumalik sa alaala ni Emy si Annabel kaya’t pambungad nito, “Bakit parang ako pa ang lumalabas na kabit?”

Hinaplos haplos siya ni Charlie at nangako. Iiwan na daw niya si Annabel. Ayaw na daw niya, sabay abot ng Php10,000.

“Dagdagan mo naman Tay. ‘Ba’t ito lang?” tanong ni Emy.

Tumangging mag-abot pa si Charlie dahil bago daw niya iwan si Annabel at anak dito, na dalawa na pala…bibilhan daw niya ito ng sanlang bahay. Parang batang nakalimot sa kasalan ni Charlie si Emy. Habang sarap na sarap siya sa kinakaing biniling siopao mabilis siyang sumagot, “Sige, babalik ka na ba?”

Tumiklop si Emy ng sabihin nitong, “Tanggapin mo ko o hindi… iiwan ko na si Annabel Mi!”

Sumunod sa 7-Eleven ang kanilang anak. Hiniram ito ni Charlie at dinala sa bahay nila ni Annabel. Hinatid din siya pabalik kinahapunan.

Ito na daw ang huling kita niya sa mister. Mula Pasko… hindi na nagparamdam pa si Charlie.

Ika-26 ng Disyembre 2012, pinaalam na lang ni Charlie kay Emy na flight na niya pabalik ng Africa. “Mi, magkita tayo ibibigay ko yung health card at insurance…” sabi ng asawa.

Hindi na naniwala si Emy, sa halip na makipagkita sa mister dumiretso na siya sa POEA. Dun niya nalamang kada anim (6) na buwan ang kontrata niya sa Zambia, Africa. Hawak siya ng ahensyang InterAsia Outsource, Inc. Ang kanyang trabaho sa Zambia ‘steel fixer’ sa Kansashi Mining PLC at ang kanyang kita, 813.39 US Dollar kada buwan o nagkakahalagang Php32,000.

Para mas malinawan si Emy, pinuntahan niya ang ahensyang InterAsia Outsource, kinausap siya ng isang ‘staff’ dun at sinabing ang kalahati pala ng sahod ni Charlie diretsong bumabagsak sa ATM nito na hawak ng kanyang misis.

Nagtaka si Emy kung anong ATM ito? Dun niya daw nagpagtanto na si Annabel nga ang nakakatangap ng pera at ang naghuhulog ng Php5,000 sa personal na ATM niya kada buwan. Ito ang dahilan ng pagbalik niya sa amin.

“Desidido na akong magsampa ng reklamo!” pahayag ni Emy.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, panahon na siguro para ituloy na nitong si Emy ang pagsampa ng Petition for Support dito kay Charlie.

Hindi yung isang himas lang ng iyong mister, limot mo na ang lahat. Binibigyan mo lang ng dahilan si Charlie na maging iresponsable at hindi tumigil sa pambabae, subukan mong parusahan itong si Charlie para dumiretso ang takbo ng kanyang pakikitungo sa iyo at maski na sa ibang tao. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL). Ang aming numero 09213263166(Aicel)/ 09198972854 (Monique) /09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 7104038.Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. Bukas kami Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

ANNABEL

BRVBAR

CHARLIE

DAW

EMY

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with