Milyon-pisong Pamasko ni Enrile, labag sa batas

GALIT ang madla sa pamamahagi ni Senate President Juan Ponce Enrile ng milyon-milyong pisong Pamasko sa kanyang mga katoto. Kasi hindi naman sa kanya, kundi sa taumbayan, ang pinamahaging pera.

Dalawang klaseng Pamasko ang ibinigay ni Enrile:

• P2.218 milyong dagdag na MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses) sa bawat senador para pang-upa ng opisina, tubig, ilaw, Internet, transportasyon, at kagamitan. Ang kabuoang P51.014 milyon para sa 23 senador ay mula sa savings dahil umalis si Noynoy Aquino sa Senado para mag-Presidente nu’ng 2010.

• P250,000 sa 22 katoto nang “maglambing” ng Pamasko ang ilan sa kanila. Ang kabuoang P5.5 milyon ay mula sa savings ng opisina ni Enrile bilang senador, hindi sa Office of the Senate President.

Pareho itong ilegal.

Ani Enrile, kasunduan nilang 23 senador na paghatian ang pondo ni Aquino para sa dagdag-MOOE. Pero atas ng Konstitusyon na maari lang ibaling sa ibang appropriations ang savings kung magpasa muna ng batas para du’n. (Article VI [Legislative Department], Section 25-[5]).

Ani Enrile, hindi lang ang mga “naglambing,” kundi lahat ng 22 katoto, ang Pinamaskuhan niya ng tig-P250,000. Labag ito sa Presidential Decree 46, na inakda mismo ni Enrile bilang martial law administrator nu’ng 1972. Binawal ng decree ang pagbigay sa at pagtanggap ng taong gobyerno “ng regalo sa anumang okasyon, pati Pasko.” Ang parusa: Isa hanggang limang taong bilanggo, suspensiyon o pagsibak sa puwesto, at habambuhay na pagbawal sa gobyerno.

Sinusugan ito ng Code of Conduct & Ethical Standards (R.A. 6713). Mumurahin o simbolikong regalo lang ang maari ibigay at tanggapin.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments