MUKHANG naaamoy ng ilang matataas na opisyal ng PNP sa Camp Crame na rubout ang malagim na engkuwentro sa checkpoint sa Atimonan, Quezon noong Linggo ng hapon. Kasi nga inubos ang 13 sakay ng dalawang Mitsubishi Montero. Kabilang sa napatay si Supt. Alfredo Consemino at police aides na sina PO1s Gruet Mantuano at Jeffrey Valdez; ISAFP agent Leo-nardo Marasigan at dalawang Air Force Intelligence agents na sina 1Lt. Jim Beam Justiani at S/Sgt. Armando Lescano ng 554th Air Police Squadron. Maging ang kilalang Environmentalist na si Tirso Lontoc Jr. ay kabilang din sa napatay. Napatay din ang jueteng at loteng operator na si Victorino Siman na kilala rin sa pangalang Vic Atienza Jr. Ang iba pang napatay ay sina Maximo Pelayo, Conrado Decillo, Victor Gonzales, Gerry Siman at Paul Quiohilag.
Lumalabas na overkill ang ginawa sa 13. Siniguradong patay lahat upang walang mapagkunan ng impormasyon. Ang masakit, mukhang may milyones na nakalagay sa maleta na nawawala sa mga biktima ayon sa pamilya ni Victorino Siman. Tama lamang ang naging aksyon ni President Noynoy Aquino na ang National Bureau of Investigation (NBI) ang hahawak sa imbestigasyon upang maging parehas ang laban. Kasi nga kung pulis ang hahawak ng imbestigasyon tiyak na hindi maganda ang kalalabasan ng kaso. May mga pulis at military na kabilang sa napatay at kung pulis din ang mag-iimbestiga tiyak na magkakaroon ng takipan.
Ano ba itong kamalasan ng PNP, hindi pa nareresolba ang kaso ni Stephanie Nicole Ella na tinamaan ng ligaw na bala noong Dec. 31, 2012, ito na naman ang nakakapanghilakbot na pagkamatay ng 13. Sa unang buwan pa lang ng 2013 mukhang sinusukat na ang kakayahan ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima.
Mantakin n’yo, noong Bagong Taon nagpaulan ng stray bullet ang mga trigger happy na tumama sa mga inosenteng mamamayan kabilang si Nicole. At muling nagulantang ang sambayanan sa walang habas na papamaril ni Ronald Bae ng Kawit, Cavite kung saan pito ang namatay at ikinasugat ng 10 katao. At noon ngang Linggo ng hapon, ang encounter (kuno) sa Atimonan ang napabalita. Sa ngayon todo ang im-bestigasyon na ginagawa ng PNP.
Sana maging parehas ang imbestigasyon upang malinawan ng sambayaÂnan ang mga nangyaring madudugong kaso. Ang dapat gawin ni Purisima sa 24 na pulis at 25 sundalo ng Philippine Army na sangkot sa encounter ay ilagay muna sa holding status upang di makaimpluwensiya sa pag-usad ng imbestigasyon.