EDITORYAL - Mga bata ang kawawa

MAAGANG tinapos ng mga makakati ang daliri sa gatilyo ang pangarap ng mga bata habang nagdiriwang ng Bagong Taon. Bala ang pinasa­lubong sa kanila. Dalawang bata ang namatay. Ang batang lalaki ay hindi na nakita ang umaga ng 2013. Bumulagta siya makaraang barilin ng isang lalaki sa pamamagitan ng isang sumpak. Ang batang babae naman ay namatay ilang araw makaraang tamaaan ng bala sa ulo. Ang isang batang lalaki sa Surigao na tinamaan ng ligaw na bala ay nasa ospital pa hanggang sa kasalukuyan. Naalis na ang bala sa kanyang ulo at ayon sa mga doctor ay ligtas na sa kamatayan. Pero nawawalan ng pag-asa ang mga magulang ng bata na hindi na makakakuha ng hustisya ang kanilang anak.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), mas marami umanong tinamaan ng ligaw na bala nga­yong 2012 kaysa noong 2011. Karamihan sa mga biktima ay mga walang muwang na bata. Habang nagsasaya at nanonood ng fireworks ay nagbagsakan naman ang mga bala at tumama sa bata. Gaya ng nangyari kay Nicole Ella, 7, ng Bgy. Malaria, Caloocan City na biglang bumagsak habang nanonood ng fireworks display noong Dec. 31, 2012. Tinamaan na pala siya ng bala sa ulo na tumagos sa pisngi nito. Isinugod sa ospital si Nicole pero makalipas ang ilang araw, binawian ito ng buhay. Napakalupit ng nangyari sa bata na walang kamalay-malay na isang bala mula sa cal. 45 na pag-aari ng isang demonyo ang tatapos sa kanyang mga pangarap. Hanggang ngayon, blanko ang Caloocan PNP kung sino ang nagpaputok ng baril na ikinamatay ni Nicole. Nakapagtataka naman na alam nila kung ilan ang bilang ng baril sa naturang barangay. Kung alam nila, bakit hindi kumpiskahin at isailalim sa imbestigasyon.

Mahigpit ang pagtatalo ngayon sa isyu ng pagbibigay ng permit to carry sa mga nagmamay-ari ng baril. Isang grupo ang nagsasabing ipagbawal nang tuluyan ang baril. Ang ilang negosyante naman ay nagsabing hindi dapat maghigpit sa gunowners sapagkat­ marami sa kanila ang responsible. Ang dapat daw kumilos ay ang PNP. Paigtingin ang pagsamsam sa mga baril na walang lisensiya.

Pinaka-mabuting walang baril sa bansang ito. Kung walang baril, walang krimen. Isaisip ang kalagayan­ ng mga bata na laging nabibiktima ng baril. Kawawa ang mga bata.

 

Show comments