Pagsalubong na naman sa Bagong Taon

ITO ang ayaw kong sumasalubong na balita sa Ba- gong Taon! Ang bilang ng mga nasasaktan ng pa-putok, pati na yung mga tinatamaan ng ligaw na bala! Sa pinaka-huling tala, higit 400 ang nasaktan ng mga paputok. Dalawampu’t anim naman ang tinamaan ng ligaw na bala kung saan dalawang bata ang napatay! Sampu ang nahuling nagpapaputok ng baril, lahat mga pribadong guwardiya na lasing na! Kung talagang nagpaputok sila ng baril habang lasing, dapat matanggal na sa trabaho ang mga ito at kasuhan pa! Labindalawang sunog ang naganap dahil sa paputok.

Ayon naman sa mga datos, bumaba ang lahat ng numero kumpara sa nakaraang taon. Pero ganun pa man, meron pa ring mga pasaway at hindi nakikinig sa mga babala! At walang saysay ang lahat ng numerong iyan, maging mas mababa man o mataas, kung ikaw ang magulang ng batang napatay ng ligaw na bala. Ang mahalaga ay matukoy kung sino ang pumatay sa anak ninyo! Inaalam na ngayon kung kayang matukoy kung sino ang may-ari ng baril, pero marami pa ring mga baril diyan na hindi lisensiyado. At sa tingin ko ang magpapaputok ng baril ay ang mga walang papeles para hindi nga mahuli.

Mabuti kung ang takbo ng numero nga ng mga nasasaktan ng paputok at ligaw na bala, pati na ang bilang ng mga sunog sa siyudad ay pababa nang pababa bawat taon. Pero kailan tuluyang mawawala na ng mga nasasaktan? Ilang dekada pa ang ating hihintayin bago matupad ang “zero casualty” na hangad ng DOH? Dapat maaga pa lang ay sugpuin na ang mga bawal na paputok. Malinaw na pag dating ng Bagong Taon, may mga bawal at iligal na paputok na nasisindihan, at kapag minalas, ay may nasasaktan! At ang mga nagpapaputok ng baril? Kumpiskahin ang baril at ikulong ang salarin! Bakit may mga guwardiyang lasing na armado pa? Nasa trabaho hanggang umiinom?

Bagong Taon. Pagbabago matapos ang isa na namang taon! Kung puwede lang na hindi masamang balita ang lagi na lang sumasalubong sa atin tuwing Bagong Taon. Pero baka malayo pa tayo sa araw na iyon, kung magpapatuloy pa rin ang paggawa ng mga iligal na paputok, kung may magpapaputok pa rin ng baril, at may mga walang utak na magsisimula ng sunog. Ganun pa man, Happy New Year sa lahat! 

 

Show comments