Pork barrel, dynasties: Magkakambal na salot

KAPUNA-PUNA na sa darating na congressional-local elections sa Mayo 2013 ay maraming nakapuwestong kandidato ang unopposed. Walang nagtatangkang labanan sila sa pagka-congressman, governor, mayor, o bise. At bukod sa reelectionists, kokonti lang ang naglalakas-loob tumakbo sa pagka-senador, provincial board member, o konsehal.

Malinaw ang dahilan dito. Sinarado na ng political dynasties ang ating sistemang halalan. Ayaw mag-aksaya ng panahon o pera ng mga karapat-dapat magserbisyo-publiko. Katwiran nila, dudurugin lang sila sa halalan ng mga angkan na matagal nang hawak ang pulitika sa distrito, probinsiya, lungsod, at munisipyo.

At lalong sinasamantala ng dynasties ang sitwasyon. Dahil unopposed ang malakas na nakaupo, nagwi-withdraw sila para patakbuhing substitute ang asawa, anak o kapatid na malamang matalo kung may kalaban. Sa ganu’ng paraan, sa susunod na eleksiyon sa 2016 na lang sila muli tatakbo— bilang panimula na naman ng bilang ng three consecutive terms bago sapilitang magpahinga sa puwesto.

Lumalakas ang dynasties dahil, kapag nasa puwesto, kontrolado nila ang milyun-milyong-pisong pork barrel. Hindi lang sa Kongreso meron nito. Pati local government officials ay nagpaparti-partihan sa paglustay at pagbulsa sa kaban ng bayan.

Ginagamit nila ang pork barrel para bilhin ang loyalty ng mga bobong botante at isulong ang pansariling kapa-kanan. Kabilang dito ang pagpapagawa ng kalsada o tulay patungo sa personal na sakahan, resort, pabrika, o ano pa mang negosyo. At ginagamit ang maruming yaman sa pagpapanatili nila sa puwesto.

Burahin ang pork barrel at dynasties upang umunlad ang bansa.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments