NOONG Pasko, maraming tao ang nagtungo sa Luneta. Nagbaon sila ng mga pagkain at doon nagsalu-salo. Tinatayang nasa 200,000 tao ang nagtungo sa Luneta noong Pasko. Ang masaklap, nag-iwan nang maraming basura ang mga nagdiwang ng Pasko sa Luneta. Nang linisin ng National Park Development Committee (NPDC) ang mga basura, nakakolekta sila ng 50 trucks. Mga basurang plastic ang naroon --- supot, cup ng noodles, plastic bottle, styro, kaha ng sigarilyo, kahon ng fried chicken, dahon ng saging, plastic na kutsara’t tinidor, 3-in-1 coffee sachet, aluminum foil, kaha, upos ng sigarilyo at marami pa na pawang hindi natutunaw. Ayon sa NPDC nakakolekta sila ng 50 trucks ng basura.
Nakiusap ang pamunuan ng NPDC sa mga magtutungo sa Luneta sa Bagong Taon na maging responsible naman sa pagtatapon ng basura. Huwag iwan ang mga basura sapagkat hiindi naman basurahan ang parke. Subalit ang pakiusap ng NPDC ay hindi rin pinakinggan ng mga taong nagtungo sa Luneta noong Bagong Taon. Kung gaano karaming basura ang kanilang iniiwan noong Pasko, ganoon din karami ang iniwan noong Bagong Taon. Nadagdag pa sa mga basura ang mga pinagbalutan ng litson. Kahapon, 50 trucks ng basura ang hinakot sa Luneta. Sabi ng NPDC, may mga inilagay silang mga basurahan sa paligid para doon ilagay ang mga basura pero, wala pa ring sumunod. Kung saan-saan itinapon at iniwan ang mga basura.
Hindi lamang sa Luneta nagkaroon nang mara-ming basura kundi sa maraming lugar sa Metro Manila. Nagkalat ang pinagbalatan ng buko, kahon ng mga mansanas, ubas at iba pang mga prutas. Ang mga pinagbalutan ng regalo, litson, paputok at mara-ming iba pa ay nakikita sa maraming lugar. Kahapon, nakatambak ang mga basura sa paligid ng Balinta- wak Market at sa palengke ng Blumentritt. Marami ring basura sa isang palengke sa Novaliches.
Wala pa ring leksiyon ang marami. Sa kabila na dumanas na nang maraming baha dahil sa basura, patuloy pa rin ang walang disiplinang pagtatapon ng basura. Hindi na nakapagtataka na sa mga susunod na pananalasa ng bagyo ay muling bumaha sa Metro Manila. At walang ibang dapat sisihin kundi ang mga walang disiplinang mamamayan. Kailan matututo sa pagtatapon ng basura?