Kapapasok pa lamang ng bagong taon marami na naman ang mga istoryang inyong tutukan. Iba’t ibang kaso na sumasalamin sa problema ng ating lipunan mayaman man o mahirap.
Isang kasong Rape ang unang bubukas sa pahina ng aming pitak.
SA MUNDO ng mga pipi at bingi na nababalot ng katahimikan… sila lang ang nagkakaintindihan. Bawat galaw at dampi hindi nabibigkas ng mga labi.
Para protektahan ang kanilang pamilya itinago namin ang pangalan ng mag asawang nagsadya sa amin sa apelyidong Reyes.
Ang kanilang anak na si “Ana” (tinago namin ang tunay na pangalan) ang biktima, 26 anyos.
Umikot sa pagkumpas ng kamay at pagbasa ng pagbuka ng bibig ang buhay ng pamilya Reyes para lamang makipag usap kay Ana.
Hindi akma ang kanyang pag-iisip para sa edad niyang ito. Ang ‘mental age’ daw ni Ana ay pang ‘below 16 years old’. Madaming bagay daw ang hindi nito madesisyunan para sa sarili.
Ayon kay misis Reyes madali daw maimpluwensiyahan ng kapwa pipi at bingi si Ana dahil mas panatag ang loob niya sa mga ito.
Sign language lang daw ang paraan ng komunikasyon nila. Limitado daw ang kaalaman ng mag asawang Reyes sa ganitong klase ng paraan kaya dinadaan sa ‘text message’, sulat o minumwestra na lang ni Ana ang mga kailangan niya.
Mabagal ang development ni Ana nung pinanganak siya.
“Tatlong taon na nung nagsimulang maglakad si Ana. Ang muscular function at extremities niya ay hindi kontrolado. Kapag kinakarga siya nung bata pa ay napansin namin malambot ang kanyang backbone at hindi nakokontrol ang laway. May cerebral palsy ang anak ko”, kwento ni Mr. Reyes.
Halos hindi malaman ng pamilya Reyes kung paano nila tatanggapin ang sitwasyon ngayon ni Ana lalo pa’t nabuntis siya dahil sa panghahalay umano sa kanya. Limang buwan na siyang buntis.
Ang tinuturong nanggahasa umano ay ang lalaking si Christopher Ross Sufrir. 25 anyos, isa ring ‘deaf and mute’.
Ika- 28 ng Nobyembre 2012, nagsumbong kay misis Reyes ang kanyang isa pang anak na si “Kyla”.
Noon daw ika- 4 ng Nobyembre, tinanong daw ni Ana si Kyla kung dinatnan ba ito ng regla. Sumagot si Kyla na meron siya. Hindi daw kasi niregla si Ana at masakit ang ulo niya.
Nagduda ang kapatid dahil dati naman ay nasa tamang petsa ang pagdating ng kanyang buwanang bisita. Naisipan si Kyla na bumili ng ‘pregnancy kit’. Namutla siya ng makitang ‘positive’ ang resulta nito.
Umamin si Ana kay Kyla na noong ika- 6 ng Oktubre, bandang alas 4:00 ng hapon nagtext daw si Christopher. Pinapapunta si Ana kasama ang kanyang kaibigan sa bahay ni Christopher.
Naiwanan daw si Ana. Dun siya pilit na hubaran ng blouse. Hinatak ang pantalon at damit panloob. Doon daw pwersahang pinasok sa kanya ang ari ni Christopher.
“Sabi ni Ana sumigaw siya pero dahil pipi ang anak ko hangin lang ang nakarinig. Nanlaban siya ngunit walang nagawa”, kwento ni misis Reyes.
Nang malaman nila ang pangyayaring ito ay nagdesisyon ang mag asawa na lumapit sa Mandaluyong Police Station.
“Pagkatapos naming banggitin sa pulis ang pangalan ni Christopher napag alaman namin na may nauna ng kasong isinampa laban sa kanya at rape din”, pahayag ni Mrs. Reyes.
Base sa ‘Initial Medico-Legal findings’, hymen: presence of shallow healed lacerations at 7 & 9 o’clock positions. Anus: unremarkable.
Hindi alam ng mag asawa kung paano nagkakilala si Christopher. Basta nakita na lang nilang bumibisita si Christopher sa bahay nila kasama ang marami pang ibang mga deaf- mute din.
Nung pinuntahan daw ng mga pulis ang suspek ang nandun lang ay ang tiyuhin nito. Sa ngayon gusto nilang mapagdusahan ni Christopher ang ginawa sa kanilang anak kaya sila nagsadya sa amin.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 – 4:00 ng hapon).
Tinawagan si Atty. Marissa Manalo ng Integrated Bar of the Philippines upang makuha ang kanyang opinyon tungkol sa usapin na ito.
Pinaliwanag namin na sa pagkuha ng testimonya ni Ana na isang Person with Disability (PWD) ay kinakailangan ang tulong ng isang ‘sign language interpreter’ na isang eksperto sa pag aanalisa at pag-intindi sa nais iparating na mensahe ng biktima. Kailangan ang taong ito ay lisensyado dahil maaring humarap ito sa korte para tumestigo.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi sapat na salaysay lamang ng ina at kapatid ang pagbatayan upang tumayo ang kasong ito sa ‘Prosecutor’s Office’.
Tama din naman yung na police officer sa Women’s Desk na ipagpaliban ang pagkuha ng salaysay ni Ana hanggang makakuha sila ng ‘deaf mute interpreter’ para kumpleto ang kanyang pahayag.
Sa kasong rape kung saan kadalasan ang biktima at ang akusado lamang ang andun importante ang pahayag ng biktima dahil ito ay isang ‘personal crime’.
Dapat din tignan ang anggulo na baka hindi lamang isang beses napagsamantalahan si Ana dahil sa ‘medico legal findings’ na may ‘healed at shallow healed lacerations’ sa kanyang ari.
Mahirap magsampa ng kasong hilaw sa Prosecutors Office. Kailangan ang salaysay ni Ana at ang tulong ng isang interpreter. Pinayuhan namin sila na humanap sa ‘school of deaf mute’ ng lisensyadong interpreter.
Makikipag-ugnayan kami kay City Prosecutor Richard Anthony Fadullon ng Mandaluyong City para sa kasong ito.
Ang nakikita naming maaring depensa ni Christopher na sila ay magkasintahan at kagustuhan nila pareho ang mga nangyari. Ang dapat tignan ng mabuti ng taga-usig ay kung ang kaisipan ni Ana ay may kakayahan na magdesisyon sa kanyang mga ginagawa at hindi lamang siya naging sunod-sunuran at uto-uto sa lahat ng naisin ni Christopher lalo na pagdating sa sex.
Isang ‘Neuro-Psycho Test’ ang makakapagdetermina kung ano ang ‘mental age’ nitong si Ana kapag dumating ang kasong ito sa korte.
Sa ngayon ang makitaan ng Taga-usig ay ‘probable cause’ para masabi na maari ngang pinagsamantalahan ni Christopher at isampa itong kaso sa korte.
Inuulit ko na sa isang ‘preliminary investigation a quantum of evidence is needed to engender a well founded belief that the respondent committed the crime charge and indict him for it’.
Pagdating sa korte ang hinahanap ay ‘beyond reasonable doubt’ o walang kaduda dudang maysala nga ang akusado para ito ay mahatulan ng karampatang kaparusahan. (KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166, 09213784392, 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.
Follow us on twitter: tocal13@yahoo.com