Noong panahong ni dating Presidente Gloria Arroyo, ”bangkang papel” ang ginamit niya figure of speech upang bigyan ng diin ang kanyang hangad na umunlad ang kabuhayan lalo na ng mga maralita.
Hindi ito naunawaan ng tao kaya katakutakot na batikos ang tinanggap niya. Literal kasi ang pagkaintindi ng tao sa “bankang papel” na ayon kay Gloria ay pinaanod sa Ilog Pasig mula sa Payatas dumpsite sa Quezon City ng dalawang batang humihingi ng saklolo sa kanya para tulungan sa kanilang edukasyon. Sa bankang papel daw nakasulat ang kanilang kahilingan.
Hindi naman literal ang kahulugan ng tinuran ng dating Pangulo dahil bago makarating sa Malacañang ang bankang papel mula sa Payatas ay siguradong lulubog na ito sa tubig.
Ito nga ba’y hindi naunawaan ng mga tao lalo ng kanyang mga kritiko o sadyang hindi inunawa para may dahilang tuligsain si Gloria?
Tuligsaan at batikusan. Hangga ngayong panahon ni Presidente Aquino ay hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon. Mahirap maging Pangulo. Ano man ang gawin mo ay mababatikos. Tanda iyan ng kawalan ng pagkakaisa kaya nahahandlangan ang pag-unlad ng bansa.
Kaya sa panahon ni Presidente Aquino, ang panawagan niya sa lahat ng mga Pilipino ay “magsagwan sa iisang direksyon.” O di ba banka pa rin ang ginamit na halimbawa?
Siyempre hindi ito literal na banka. Ang banka ay sumisimbolo lang sa ating bansang Pilipinas na sa nagdaang mga panahon ay naudlot ang pag-unlad dahil sa kawalan ng pagkakaisa ng mga Pilipino.
“Let us paddle in one direction” anang Pangulong Noy. Tama nga naman. Alisin muna ang personal agenda at ituon ang pansin sa paghahatid sa ating bansa na tunay na kaunlaran.
Kung walang pagkakaisa at pagsuporta sa liderato ng bansa ang bawat Pilipino, kahit magbago pa ang mga taon ay hindi magbabago ang kalagayan natin. Mabiyayang 2013 sa lahat.