Buti sana kung sarili lang ang pinipinsala

NAGLALAKAD sa downtown ang dalagita nang gulatin ng malakas na putok. Merong iresponsableng kanto-boy na nagsindi ng whistle bomb, tinakpan ito ng garapon, at saka tumakbo. Natural dinurog ng pagsabog ang bote, at tumalsik ang tibo sa mata ng inosenteng dumadaan na babae. Nabulag!

May mga nakasaksi ng pangyayari. Mahuhuli rin at makukulong ang salarin. Malamang gulpihin siya sa loob ng city jail; baka mapatay pa siya du’n. ‘Yan ang sasapitin ng kawalan-pahalaga sa kapakanan ng iba.

Taon-taon nagbababala ang pulisya kontra sa pagpapaputok sa kalye para salubungin ang Bagong Taon. Taon-taon din sinusuway sila ng mga matitigas ang ulo. Buti sana kung sarili lang ang pinipinsala nila, tulad ng dalawang lasing na naputulan ng mga daliri nang pinagpasa-pasahan ang sinindihang ‘‘bawang’’.

Pero hindi, karaniwang napipinsala ay mga inosente. Halimbawa, nitong nakaraang dalawang linggo bago mag-Bagong Taon, ilang bahay na sa buong bansa ang tinupok ng apoy mula sa fireworks. Mahigit isang daan na ang naospital nang masaktan habang nanonood lang sa fireworks. Dapat ikulong lahat ng nakasakit, para tumino ang lipunan.

Pinaka-grabe sa lahat ang mga nagpapaputok ng baril. Dalawang dekada na ang nakalipas nang tamaan ng ligaw na bala sa ulo ang anak ng isang peryodista. Pinagtulungang hanapin ang salarin: Isang retiradong pulis, na hinatulan ng 20 taong kulong. Nu’ng 2005 napatay ang 10-taon-gulang na bata sa Tondo, Manila, nang tamaan din ng stray bullet sa ulo. Tumulong ako sa pag-triangulate ng pinanggalingan ng bala, at pagtiyak ng kalibre nito. Nahuli ang opisyal ng barangay sa kabilang kalye; kulong din siya at pinagbayad ng danyos.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments