Bagong taon na at ang pagpasok ng taong 2013 ay nagdala ng panibagong hamon at pakikipaglaban para sa mga Mindanao lalo na sa naging mga biktima ng Bagyong Pablo nitong nakaraang December 4 na kung saan higit 1,000 ang namatay at may 800 pa ang nawawala sa Compostela Valley at Davao Oriental.
Kung dati ang problemang kinaharap ng mga taga-Mindanao ay puro ukol sa kapayapaan at ang naging utos sa mga sundalo natin sa Armed Forces of the Philippines ay usigin at buwagin ang mga rebeldeng grupo gaya ng Moro National Liberation Front, Moro Islamic Liberation Front at maging ng New People’s Army, iba na ngayon ang larangan ng labanan.
Meron ding pagbabago sa hanay ng ating mga pulisya at hindi lang ang pagtutugis ng mga kriminal ang inaatupag ng mga pulis sa Mindanao lalo na pagkatapos ng Bagyong Pablo.
Kung dati ay nakatuon ang military at pulisya natin sa insurhensiya at kriminalidad sa Mindanao, sila ngayon ay abala sa search and rescue operations at maging sa pag-alalay sa mga nagbibigay ng relief assistance sa ating mga kababayang na salanta ng bagyong Pablo lalo na sa mga lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental.
Ang masaklap pa nga ay maging ang ating mga sundalo at pulisya ay mga biktima rin ng Bagyong Pablo. Sila man ay natamaan rin ng hagupit ni Pablo. Nawalan din sila ng tahanan at kabuhayan at namatayan din sila ng kamag-anak.
Ngunit kahit nga sila mismo ay mga biktima rin, hindi rin nila puwedeng talikuran ang kanilang tungkulin sa bayan at sa kanilang mga kababayang nahaharap sa trahedya gaya ng Pablo.
At dahil nga noong isang taon ang Bagyong Sendong naman ang humagupit sa Northern Mindanao na kung saan may higit 1,000 rin ang namatay at ngayong taon naman ay Bagyong Pablo, lumalabas na kailangan na ring magbago ng programa ang mga local government units sa katimugan dahil bago na ang hamon at hindi lang ukol sa kapayapaan at kriminalidad.
Ang paghahanda para sa mga calamity gaya ng Pablo at Sendong ay kailangang ma-iinstitutionalized na upang magkaroon tayo ng agarang pamamaraan sa pagresponde sa mga sitwasyon gaya ng mga nasabing bagyo.
Kailangan na ring paigtingin ang disaster risk-reduction and management system sa katimugan dahil nga sa naging parati nang pangyayari gaya ng flashfloods at landslides sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Kung dati nga ang Mindanao ay sinasabing typhoon-free, nagbago na rin ito at dinadalaw na rin ang isla ng mga kalamidad gaya ng bagyo.
At sa pagpasok ng bagong taon, ito ay panibagong hamon at panibagong pakikipaglaban para sa mga taga-Mindanao.
Manigong bagong taon sa lahat mula sa amin dito sa Mindanao!