GINUGUNITA natin ngayon ang kapistahan ng Banal na Mag-anak, sina Hesus, Maria at Jose. Kadalasan sa ating pagkagulat ay bigla nating nasasabi sa paghingi ng tulong: Susmaryosep po! Ito ay isang panalangin sa banal na mag-anak upang tayo ay tulungan at sila ay ating tularan. Ang patuloy na ugnayan ng isang pamilya ay ang wagas na kayamanan. Sabi ni Pablo na ang pamumuhay ng mag-anak na Kristiyano ay pawang pag-ibig at pag-uunawaan. Ang pagsusunuran at patawaran ay kabanalan at kayamanan.
Ang Banal na Mag-anak ay sama-samang nagpunta sa templo ng Jerusalem upang makipagdiwang sa Araw ng Paskuwa. Labindalawang taon na noon si Hesus. Sa kanyang edad ay malaya na ang isang bata kung kanino nais makisama sa pagdiriwang sapagka’t ang mga babae at lalaki ay magkahiwalay sa templo. Sa halip na mamili si Hesus ay doon Siya nagtungo sa kapulungan ng mga guro ng templo. Namangha ang marami sa Kanyang dakilang pangaral. Nang makita Siya at inaya nang umuwi ay ang tanging naisagot niya ay: “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako’y dapat nasa bahay ng Aking Ama?”
Naunawaan ng mag-asawa ang kahulugan ng sinabi ni Hesus. Umuwi sila sa Nazaret at Siya ay naging masunuring Anak. Patuloy Siyang lumaki at umunlad sa Kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao. Ang tanging mensahe sa atin ay pagsunod sa mga pangaral ng isang magulang na puno ng kabutihan, kabanalan at katarungan.Ang aking tanong: Kayo bang mag-anak ay sama-samang nagpupuri sa Diyos, nagdarasal at nakikipagdiwang sa inyong simbahan?
Sir 3:2-6,14; Salmo 128; Col 3:12-21 at Lk 2:41-52
* * *
Happy Family Day kina Joseph at Christine Yae at mga anak nila na sina Candice, Certino, Christopher at Cerwin.