NAGTATAKA ako. Malaki ang inilakas ng piso kontra sa dolyar at ito’y bagay na ipinagmamalaki ng pamahalaan. Dapat naman talagang ikatuwa ito dahil indikasyon na umaasenso ang ekonomiya.
Pero bakit kaya nananatiling mataas ang presyo ng petrolyo? Oo nga’t nagkakaroon ng katiting na rollback paminsan-minsan na agad ding binabawi makalipas ang ilang araw.
Dapat nang kumilos ang ating Department of Energy (DOE) para alamin at siyasatin kung ano’ng iskema ang ipinatutupad ng mga oil companies sa pagtataas at pagbababa sa halaga ng mga produktong petrolyo. Kasi parang tsinutsubibo lang ng mga kompanyang ito ang taumbayan. Ibig kong sabihin pinaiikot at binobola.
Ngunit nag-iisip din ang ating mga kababayan at hindi naman bobo. Sana naman, ngayong mataas ang halaga ng piso na nasa boundary ng P40 sa isang dolyar, makatikim man lang ng ginhawa ang mga kababayan natin sa pamamagitan ng murang petrolyo. Hinuhulaan pa nga ng iba na maaaring lumagpak sa P30 kada dolyar ang halaga ng ating salapi sa papasok na taon.
Kaugnay nito, umapela na sa DOE ang party-list group na 1-UTAK na siyasatin ang mga kompanya ng langis at baka may hocus-pocus na nangyayari. Kumbaga’y sabwatan para pare-pareho silang magtubo ng sobra-sobra. Akala ko pa naman ay tapos na ang panahon ng cartel pero hangga ngayon ay mala-cartel ang operasyon ng mga kompanya ng langis lalo na sa pagtatakda ng presyo.
Ayon kasi sa Independent Oil Price Review Committee (OPRC) ang umiiral na presyo ng tingian ng petrolyo ay hindi umaakma sa world market price. Kaya kinakatigan natin ang panawagang ito para gisingin sa DOE Secretary Jericho Petilla at siyasatin ang malinaw na iregularidad na ito.
Ang kuwestyon lang ay, dinggin kaya ng DOE ang panawagang ito? Sa mahabang panahon, palaging ang mga dambuhalang kompanya ang nabibigyan ng pabor ng pamahalaan at laging nagiging kawawa ang maliliit na taumbayan.