Bakit pumiyok si Orduna kay Espino?
EWAN ko kung may katotohanan ang usap-usapan sa Department of Interior and Local Government (DILG) offices, na kaya pala nabisto si Pangasinan governor Amado Espino na may kinalaman at nagkamal ng milyun-milyon pera sa jueteng operation ay dahil sa pagsuba niya sa isang public relation konsuhultant este consultant. Lumalabas kasi na may katotohanan ang mga binitiwang salita ni Bugallon mayor Rodrigo Orduna laban sa kanyang kumpare na si Espino nang kapanayamin ng mga reporter kamakailan.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source sa DILG, onsehan umano ang dahilan kung bakit pumiyok si Orduna laban kay Espino. Sa taya ng mga otoridad, milyun-milyong piso ng “kubransa” ang hindi nakakarating sa tamang kamay na may kinalaman umano si Orduna at Espino. Isang PR consultant nga umano ang nagpatotoo na may problema nga si Espino pagdating sa pera, dahil madaling makalimot sa kanyang mga atraso o utang sa kanilang lugar.
Hindi lamang pala sina Espino at Orduna ang dapat gisahin ni DILG secretary Mar Roxas, dahil kung nais niyang maging malinaw ang lahat sa jueteng operation sa Pangasinan ang dapat niyang gawin ay hanapin ang PR konsuhultant na ito. Di ba mga suki? Ayon sa aking mga espiya, ang PR consultant at si Espino ay nagkasundo para sa isang PR campaign bago ibinuking ni Orduna kay Roxas. Ngising kabayo umano sa tuwa ang nasabing PR consultant dahil kaagad daw nagbigay ng kalahati ng halagang pinag-usapan si Espino para matuloy ang nasabing public relation campaign. Magkano kaya ang milyones na dapat na mapasakamay sa konsuholtant?
Subalit, matapos masunod ang gusto ni Espino na mapabango sa kanyang mga kababayan, laking gulat ng pobreng consultant nang singilin na niya ang kabuuang bayad, aba’y ayaw na siya kausapin ni Gobernador. At sa halip umano isang tauhan na lamang ni Espino ang humaharap sa naturang consultant kasabay ang sabi na wala rin itong alam sa napag-usapan nila ni Espino.
Kasi nga iginiit daw ni Espino na wala na itong utang sa kawawang PR consultant na ngayon ay hinahabol ng iba’t ibang ahensiya na kinutsaba para mapabango at mapaganda ang imahe ng naturang gobernador.
Pakiramdam tuloy ng aking mga espiya, “karma” ang nangyari kay Espino matapos na subain niya ang konsuhultant.
- Latest