ALAM ba ninyo na batay sa isang survey ng Social Weather Station, nakararami ang mga Pilipinong naniniwalang masaya at mabiyaya ang Pasko nila?
Kabuuang 64 porsyento ng mga kababayan natin ang napakapositibo sa kanilang pagdiriwang ng Pasko at harinawang hindi nagkabula ang kanilang pag-asa. Ang positive outlook na ito ay harinawang dalhin ng mga tao hanggang sa pagpasok ng Bagong Taong 2013.
Ang survey ay idinaos mula December 8 hanggang 11 ng taong ito. Dalawampung porsyento o karamihan sa mga tinanong ay mabuting kalusugan ang hangad para sa sarili, 18 porsyento ang naghahangad ng pera samantalang ang 14 na porsento ay gustong makapiling ang kanilang buong pamilya sa Pasko.
Sa Mindanao ay medyo bumagsak ang positive expectation ng mga tao kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko. Noong nagdaang taon, 69 porsyento ang umasang magiging maganda ang Pasko samantalang sa taong ito ay bumaba ito sa 52 porsyento ayon sa survey.
Ngunit kung tutuusin, mataas pa rin ito lalu pa’t matinding sinalanta ng bagyong Pablo ang Mindanao, lalu na sa Compostela Valley at sa Davao na doo’y hindi lamang ari-arian at kabuhayan ang nawala sa mga tao kundi pati karamihan sa kanilang mga minamahal sa buhay.
Nakalulugod naman na walang patid ang pagbuhos ng mga relief assistance mula sa iba’t ibang sector sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo.
Pero dapat, hindi nagtatapos sa pagbibigay ng panandaliang tulong ang maihatid sa kanila kundi higit sa lahat, rehabilitasyon ng kanilang mga tahanan at kabuhayan.
Napanood natin sa TV na kahit sardinas ang pinagsasaluhan ng mga apektadong pamilya, naroroon pa rin ang bakas ng kaligayahan sa kanilang mga mukha.
Sama-sama nating idalangin ang mabilis na pag-ahon ng mga kababa-yan nating ito mula sa kahirapang kinasadlakan at nawa’y maging masigla ang ekonomiya sa darating na 2013.