Bakit ngayon lang naiisip iyan?

ANG pinaka-malaki at makapangyarihang Pro-Gun na grupo sa Amerika, ang National Rifle Association (NRA) ay nagpanukala na maglagay na ng mga armadong guwardiya sa lahat ng paaralan, dahil sa pamamaril sa 26 na tao – 20 rito ay mga bata na edad anim at pitong taong gulang – sa isang paaralan sa Connecticut. Ngayon lang naglabas ng pahayag ang maimpluwensiyang grupo na kadalasan ay mabilis ang paglabas ng pahayag matapos ang mga ganitong klaseng krimen kung saan baril na naman ang isyu. Iba na rin kasi ang sitwasyong ito dahil mga bata na ang biktima. Alam ng grupo na ang mga batas ukol sa pagbenta at pag-aari ng baril ay susuriin at magiging pakay ng matinding debate, diskus-yon at away na naman. Hindi raw sagot ang pagbabawal ng pagbenta o pag-aari ng baril, dahil karapatan daw ito. Ang problema ay ang seguridad. 

Iba lang talaga ang kultura sa Amerika. Baka nagtataka kayo kung bakit ngayon lang iniisip na maglagay ng mga armadong guwardiya sa mga paaralan, samantalang dito sa atin ay simbahan lang yata ang walang armadong guwardiya! Matindi nga ang seguridad sa mga paaralan dahil sa kidnapping naman! Wala talaga sa kultura ng mga Amerikano ang maglagay ng mga guwardiya sa mga paaralan. Karamihan ng mga bahay nga nila ay walang mga bakuran. Nagsimula lang ma-ging “praning” ang mga Amerikano pagkatapos ng 9/11. Pero ilang pamamaril na rin ang naganap ngayong taon na ito sa Amerika kung saan marami ang namatay. Ang naganap sa Connecticut ang pinaka-grabe. Kaya nagbabago na ang pag-iisip ng mga Amerikano.

Kaya naman nagpahayag ang PNP na ang ganung klaseng pamamaril ay hindi magaganap sa Pilipinas,   dahil na rin sa higpit ng seguridad ng mga lugar katulad ng mga paaralan at mall. Sa aking kaalaman, wala ngang nagaganap na ganung klaseng krimen sa atin. Kung may nagwawala man na may baril, nababaril kaagad ng mga pulis. Pero may nakakalusot pa rin, katulad ng namaril ng kanyang kaibigan sa loob ng isang mall noong nakaraang taon, at ang mga nagpapakamatay.

Mabuti na rin ang mga may armadong guwardiya sa mga paaralan. Hindi ko alam kung gagawin na rin sa Amerika ang ganitong nakasanayan na natin. Hindi sila talaga sanay na may mga armadong guwardiya sa mga paaralan at pampublikong lugar. Kat­wiran ng NRA, kung may isang armadong guwardiya lang sa paaralan na iyon, ganun din kaya kadami ang napatay ng tao?

Eh ganun naman ta­la­ga, di ba? Laging huli ang solusyon sa problema. Pati sa Amerika, nangya­yari rin ang ganun!

 

Show comments