MAGANDANG resolution sa papasok na taon na hindi na iinom ng alak at hindi na maninigarilyo. Tamang-tama ito sa pagkakasabatas ng Sin Tax bill na nagpapataw nang malaking tax sa alak at sigarilyo na magkakabisa sa Enero 1, 2013. Sa pagtaas ng tax, tiyak na tataas din ang presyo ng alak at sigarilyo. Noong Huwebes ay pinirmahan na ni President Noynoy Aquino ang Republic Act 10351 (An Act Restructuring the Excise Tax on Alcohol and Tobacco). Hindi nangimi si P-Noy na pirmahan ang batas kahit pa apektado rin siya nito. Chain smoker si P-Noy. Sa kabila nang pagiging chain smoker, lantaran ang pagsusulong ni P-Noy para maipasa ang nasabing panukala. Sa kabila nang pagla-lobby ng mga may-ari ng cigarette company at mga mambabatas, hindi napigil ang pagsasabatas ng RA 10351.
Dalawang mahalagang bagay ang mapapakinabang sa RA 10351. Una, malaking pera ang papasok sa kaban ng bansa. Nasa P33.96 billion ang kikitain ng pamahalaan sa susunod na taon. Ang kikitaing tax ay mapupunta naman sa health care program ng mamamayan at sa mga magsasaka ng tabako. Sa tax din na malilikom kukunin ang pampagawa ng mga hospital at iba pang may kinalaman sa health needs ng mamamayan.
Ang ikalawa ang pinakamahalagang makukuha sa pagkakasabatas ng RA 10351. Hindi na magkakasakit ang nakararaming Pinoy sapagkat tiyak na titigil na sila sa paninigarilyo at pag-inom ng alak. Makakaiwas na sila sa cancer sa baga at atay. Araw-araw, maraming Pinoy ang namamatay dahil sa sakit na nakukuha sa alak at sigarilyo. At ang pamahalaan din naman ang gumagastos sa mga nagkakasakit na ito. Sa mga pampublikong hospital nagpapagamot ang mga mahihirap na may sakit sa baga at atay. Bilyong piso ang ginagastos ng pamahalaan sa mga ito.
Sabi ni P-Noy, makaraang lagdaan ang batas, isang tagumpay ito para sa nakararaming Pilipino. Malaki ang maitutulong para makalaya sa bisyo ang mga Pilipino. Isang magandang pamasko sa lahat ang RA 10351.
Tama ang sinabi ng presidente, marami ang makakalaya sa bisyo sa pagpapatupad ng batas. Sana, marami ang bumitaw sa nakakamatay na dalawang bisyo. Ipangako ito sa papasok na taon.