Si ‘ELMA’ nung taong 1979. Sinundan nila ‘Reggie’ at ‘Analyn’ taong 1990. Meron ding alyas C.L.E.
Nung MIYERKULES itinampok namin ang reklamo ni Baby Ruth Tutaan o “Ruth” tungkol sa pambabae ng kanyang mister na si retired Sr. Supt. Rodolfo “Rudy” Tutaan. ‘Toots’ for short.
Babaero daw itong si Toots. Isang ‘attaché case’ na laman ay puro mga litrato at sulat ng kanyang mga babae ang natuklasan ni Baby Ruth.
Sa kabila ng lahat ng ito, pinili ni Ruth na pakisamahan ang asawa.
“Ma, ‘di na ako magloloko, Magbabago na ako. Basta alagaan natin ‘to. Sige na Ma,” pakiusap ng mister habang bitbit ang inuwing sanggol.
Nagduda mang hindi malayong ang bata ay bunga ng pagtataksil ng mister, hindi na nagtanong si Ruth. Pinalaki nila ang bata, hindi tinuring na iba.
Patuloy daw ang pambabae ng mister hangang magretiro ito taong 2006. Nung parehong taon, binili nila ang isang bahay sa Novaliches. Tuluyang nilang nilisan ang bahay ng ina ni Ruth sa Mandaluyong City.
Mula ng magretiro, madalas umalis ng bahay si Toots. Dito siya nagkalakas ng loob na kalikutin ang gamit ng mister…buksan ang mahiwagang attaché case na nakalagay sa paanan ng kama, napapagitnaan ng dalawa pang maleta.
Sumambulat sa kanya ang mga larawan, ‘love letters’ at ‘cards’ ng iba’t ibang babae. Pati ang tokador ng mister puno umano ng bote ng Viagra. Kung ‘di pa sapat ang lahat ng mga ebidensyang ito, isang linggo makalipas nakatanggap naman siya ng sulat mula sa isang taong ayaw magpakilala.
“Nakalagay sa sulat na may binabahay na pala siya sa taas ng Himba Club… Diane daw ang pangalan ng babae, ” pahayag ni Ruth.
Kwento ni Ruth, ang ‘Himba Club’ na tinutukoy ay ang ‘night club’ na nabili ng asawa sa isang ‘Japanese national’ sa Ermita, Manila.
Gustong kumprontahin ni Ruth ang mister tungkol dito subalit pinigil niya ang sarili. Gusto niya itong maaktuhan para ‘di na daw makapagkaila pa.
Isang araw pinag-drive niya ang mister papuntang Quiapo, Manila.
“Nagpanggap akong may kakausaping ka-sosyo …” kwento ni Ruth.
Ang hindi alam ni Toots. bistado na siya ng misis. Umikot-ikot sila sa Ermita hangang mapadpad sa tapat ng Himba Club. “Ihinto mo…” sabi ni Ruth.
Tinuro niya ang club sabay sabing, “Ayan… ayang Himba Club na yan! D’yan ang negosyo ng kaibigan ko! Halika…” pag-aya ni Ruth sa asawa.
Biglang nagwala si Toots. Hininto ang kotse at matigas na nagtanong.
“Anong nalalaman mo sa lugar na yan!? Sino nagturo sa’yo dito?!” Sabay pababa sa kanya sa kotse. Nagmatigas naman si Ruth, “Bakit?! Sige, ibaba mo ko… para magkita kami ng kabit mo!” anya niya.
Humarurot ng takbo si Toots at inuwi sa bahay ang misis. Kinagabihan siya naman ang lumayas. Pinuntahan siya ni Ruth at nang anak sa club subalit wala na ang asawa doon. Pati ang babae nito naglaho na rin.
Isang linggo matapos umanong ma-‘raid’ ang Himba, nagsara ito. Si Ruth ang unang taong pinaghinalaan ng mister. Nang wala ng kita, nagtrabaho si Toots sa isang Security Agency bilang Officer in Charge (OIC).
Ayon kay Ruth, nagkaroon ulit ng babae si Toots sa ahensya, ang sekretarya daw nito. Sila naman ni Diane patuloy pa rin ang relasyon.
“Inupa pa niya ang babae niya sa Mandaluyong!” sabi ng misis.
Taong 2007, ‘birthday’ ni Ruth, tuluyan na siyang iniwan ng mister.
Hindi na ito muling nagpakita pa. Nabalitaan na lang niyang nagpatayo ng ‘purified water station’ ang asawa sa Dasmarinas, Cavite-- sa pamilya ng babae.
Naiwan lahat kay Ruth ang responsibilidad ng pagiging isang ama.
Taong 2009, nagkaroon ng Hodgkin’s (mga bukol na cancerous) ang isa nilang anak. Sinubukan niyang hingan ng pera ang asawa subalit Php2,000 lang daw ang inabot nito at sinagot ang isang session ng chemotherapy.
Si Toots ay nagtrabaho kay Mayor Benhur Abalos ng Mandaluyong bilang isang ‘consultant’. Dating naging Chief of Police sa lungsod ng Mandaluyong si Toots kaya’t inatasan rin siya ngayong maging OIC ng mga security at pinuno ng mga retiradong pulis, ayon sa misis.
Takasan man ni Ruth ang mga sakit na dinanas sa mister, nitong taong 2012, mismong si Diane ang tumawag sa kanya’t sinabi daw, “Idi-divorce ka na ni Honey. Ang tanda-tanda mo kasi. Ang pangit mo pa!”
Ito ang nagtulak kay Ruth na magpunta sa aming tanggapan.
Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM & Sabado 11:00-12:00NN).
PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, inanyayahan namin sa aming tanggapan si Sr. Supt. Tutaan para makuha ang kanyang panig.
Naging maanghang ang palitan ng mga salita. Giit ni Toots si Ruth ang naglalayo sa mga bata. Hindi daw siya tumigil sa pagsustento.
“Ang aso gutumin mo ng tatlong araw, sasakmalin ka… tao pa kaya?” matigas na paliwanag ni Ruth. Taliwas sa sinabi ng misis, mabilis na lumapit ang kanilang anak sa ama. Tinawag itong ‘Papa’, niyakap ng mahigpit…naiyak.
Sinubukan naming pag-ayusin ‘off the air’ ang dalawa. Kahilingan ni Ruth ibigay sa kanya ang Php10,000 sustento para sa pag-aaral ng anak subalit giit ni Toots halagang Php3,000 lang ang kaya niya dahil wala daw siyang pera.
Hindi pumayag si Ruth, “Trenta’y singko mil ang pension niya. Di pa kasali ang sahod kay Mayor at negosyo nila…kukuriputan niya ko?” giit nito.
Naramdaman naming walang pupuntahan ang kanilang pag-uusap kaya’t pinag-isip muna namin sila at pinabalik ika-16 ng Nobyembre. Sa halip na magkaayos, muling bumulusok itong misis. “Magrereklamo na lang po ako…Ayoko ko na!” pagmamatigas ni Ruth.
Mabilis na sumagot si Toots, “Sige… ipakulong mo ko kung yan ang ikaliligaya mo. Pinatay mo nga ako diba? Pinagkakalat mong patay na ako!” Pang-iinsulto ng misis, “Oo, gusto mo pagawan pa kita ng lapida…”
Ayaw na paawat ni Ruth. Ang sa kanya, kung ‘di lang din magsusutento ang asawa kakasuhan na niya ito. Handa naman daw si Toots na harapin ito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga dalang larawan at mga sulat ni Ruth ay hindi sapat para makasuhan ng ‘concubinage’ itong si Sr. Supt. Tutaan. Kailangan kasi ng matibay na ebidensya na magpapatunay na binabahay niya ang kanyang kinakasama o nakikiapid siya kay Diane sa iisang bubong. Dito mas magkakaroon ng basehan ang kanyang kasong isasampa at hindi basta mababasura lang. Para naman sa sustentong hinihingi ni Ruth, inirefer namin siya sa Department of Justice Action Center (DOJAC), kay Atty. Perla Duque, Director ng DOJAC para makapagsampa ng kaukulang kaso.(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 (Aicel) /09198972854 (Monique) /09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038.Address: 5th flr CityState Centre bldg. Shaw Blvd.,Pasig City.