TUWING Disyembre, kaliwa’t kanan ang mga promo, pa-raffle at pa-contest ng iba’t ibang kumpanya na nagdiriwang ng Pasko at pagtatapos ng taon.
Kaya naman ito rin ang panahon kung kailan aktibo ang mga kawatan na makapanloko ng kanilang kapwa.
Isa sa maituturing na pinaka-laganap na modus sa buong bansa ang panloloko sa pamamagitan ng text scam. Lumang estilo na ang text scam subalit hanggang sa ngayon, napakarami pa rin ang nabibiktima.
Partikular na rito ang mga kababayan natin mula sa malalayong probinsiya sa iba’t ibang panig ng bansa. Dahil malayo ang lokasyon, hindi naaabot ng mga babala at paalala ang mga tao upang bigyan ng kaukulang impormasyon.
Karaniwan pang ginagamit ng mga kawatan na pang-akit at panlinlang sa kanilang mga biktima ang pagbabanggit ng mga prominenteng pangalan ng mga pulitiko at kilalang personalidad sa lipunan.
Kaya naman madaling nahuhulog sa patibong ng panloloko ng mga dorobo ang mga kababayan nating probinsiyano. Sa pag-aakalang nanalo nang malaking halaga ng pa-premyo, kaya binubuksan ng mga biktima ang linya ng komunikasyon sa pagitan nila.
Dahil na rin sa easy-money ang ipinakikilalang hatid ng mga estrangherong nagpapadala ng text messages kaya nagpapatuloy ang transaksiyon sa pagitan ng kawatan at ng biktima.
Ito ang nagiging dahilan ng tuluy-tuloy na paghuthot ng pera ng mga putok sa buho hanggang sa madiskubre na ang panloloko sa kanila.
Kaya naman babala ng BITAG sa lahat ng susubaybay ng kolum na ito na huwag basta-bastang maniniwala sa text messages na nakakarating sa inyo na nagsasabing nanalo kayo sa pa-raffle o pa-contest ng isang kilalang organisasyon o personalidad sa bansa.
Pag-isipan munang mabuti ang posibilidad ng pagkapanalo lalo kung wala namang sinasalihang anumang pa-raffle at pa-contest.
Kung hindi nakakasiguro, mas mabuti kung humingi muna ng opinyon mula sa ibang kakilala o manaliksik sa pagkakakilanlan ng nagpapakilalang organisasyon.