HINDI lamang pala P500,000 na donasyon ng PAGCOR ang ipinuputok ng butsi ng mga taga-Philippine Orthopedic Center (POC) kay Chaplain Arnold Abelardo. Bukod kasi sa very important people ang pagkalinga ni Abelardo sa kanyang mga recruit na taga-probinsya madalas pa itong nasa sosyalan na okasyon ng Aquino family.
Lumabas itong kanilang himutok nang inagurahan ang P500,000 na haden ni Abelardo noong nakaraang linggo kung saan dinaluhan ito ng kapatid mismo ni President Noynoy Aquino. Siyempre super ligaya si Abelardo sa papuring inukol sa kanya ng Aquino Family ayon sa aking mga nakausap sa POC. Ngunit nang matapos ang masaya at bonggang plastikan este inagurasyon ay lumabas ang himutok ni Abelardo at ang pinagbibintangan ng pagbubulgar ko sa sulat ay ‘yung taga-maintenance department ng POC. Kaya parang kidlat na sumabog ito sa loob ng compound ng POC na agad namang ipinarating sa akin.
Ayon kasi sa kanilang karagdagang reklamo, madalas umanong wala sa compound si Chaplain Abelardo at hindi mahagilap sa tuwing kakailanganin siya ng mga pasyenteng nakaratay na nangangailangan ng bendisyon. Bilang isang chaplain hindi ba dapat ay palagi siyang presente sa pangangailangang spiritual ng mga pasyente? Hindi ganoon karamdam ang presensiya niya sa mga pasyente. Maraming pagkakataon na kailangang humagilap pa ng pari sa ibang parokya malapit sa ospital upang tugunan ang mga sakramentong kailangan ng pasyenteng malubha at nasa bingit ng kamatayan. Ayon ’yan sa aking mga nakausap sa POC.
Sa ngayon nais ng mga dismayado na iparating kay Cardinal Luis Antonio Tagle ang lahat ng kabalbalan ni Abelardo. Ayon sa kanilang liham: Mahal na Bishop, hindi po ba madalas na pinangangaral ninyo ang tungkol sa Humility, bakit tila hindi po yata naisabuhay ng paring ito ang nasabing values, makikita nyo po sa salita at gawa niya ang walang pagpapakumbaba. Dahil po dito bihira na po ang sumisimbang empleyado kapag siya ang nag-mimisa. Hahayaan po ba ninyo tuluyan ng mawala ang pananalig ng mga tao?
Mukhang masama talaga ang loob ng aking mga kausap sa POC kaya lahat na lamang ng kilos ni Abelardo ay ipinararating sa akin.
Abangan!