MABUTI at may magandang balita naman para sa bansa. Matapos ang bagyong Pablo kung saan ay umabot na sa 1,000 ang patay, at ang pagkatalo ni Manny Pacquiao kay Juan Manuel Marquez, nagwagi si Nonito Donaire kay Jorge Arce ng Mexico noong Linggo. Tila nakabawi ang Pilipinas sa Mexico dahil sa third round ay bumagsak si Arce. Sigurado ako maraming kababayan ang natuwa. Ganyan talaga ang boksing, ika nga.
Maraming nagsasabi na ito na ang panahon ni Donaire, na sunod-sunod ang panalo. Hindi rin masama kung siya na ang papalit sa posisyon ni Manny bilang ‘Mexicutioner’, di ba? Basta Pilipino pa rin! Sana nga ay tuluyang lumipad ang career ni Donaire sa boksing, at maging isang pambansang kamao rin katulad ni Manny. At kung may iba pang boksingero na may kinabukasan sa boksing, alagaan at suportahan!
Kung kinabukasan naman ni Manny ang tatanungin sa kanyang ina na si Mommy Dionisia, talagang mas gugustuhing tumigil na ang anak sa boksing. Sinong ina nga naman ang gustong makita ang kanyang anak na bugbog-sarado ang mukha, at sa huling laban ay bumagsak at nawalan pa ng malay ng ilang minuto? Para kay Mommy D, tama na yung biyaya na ibinigay sa kanya ng Diyos. At kung siya rin ang masusunod, nais niyang bumalik sa pagiging isang debotong Katoliko muli ang kanyang anak.
Hindi na siya nagwawala nang nakapanayam ko. Kalmado na, pero talagang iginigiit na ayaw niya ang ginawa ng anak kung saan tinalikuran na ang dating pananampalataya. Naimbita pa nga kami sa Christmas party ni Manny para sa kanyang mga tauhan sa negosyo, sa boksing at Kongreso. At tumpak ang sinabi ni Mommy D na may bible study muna bago ang selebrasyon. Kitang-kita ang dismaya ni Mommy D. Mukhang hindi lang sa boksing magkakaroon ng labanan para kay Manny, kundi pati na rin sa relihiyon!