Psychological test

KUNG paniniwalaan ang ilang ulat, aakalain mo na ang isa sa repormang panukala ni Chief Justice (CJ) Ma. Lourdes P.A. Sereno ay ang pagtanggal ng psychological test para sa mga aplikante sa Hudikatura. Sa mas mariing pag-unawa ng mga report, makikitang wala namang binibitiwang ganitong salita ang CJ. Mayroon ngang nakasalang na panukala ngayon sa Judicial and Bar Council (JBC) subalit ito’y nagmula sa kanilang Office of Policy and Development Research. Ang pangunahing dahilan ng suhestiyon ay dahil nagpapatagal daw ito sa proseso ng pagpili at dahil hindi naman ito epektibong paraan upang matukoy kung ang aplikante ay may “sayad” nga o wala.

Maaalalang naging kontrobersiyal ang psychological tes-ting ng aplikante nang may naglabas sa media ng resulta ng mga confidential test nina CJ Sereno mismo at ni Sol. Gen. Francis Jardeleza nang kapwa nag-aaply para sa posisyong naiwan ni CJ Renato Corona. Kaya siguro ginagawan ng anggulo na may motibo ang CJ na ipatanggal ang kuwa­lipikasyong ito. Maging sa mga diyaryo ay may kuwento kahapon tungkol sa pagtutol ni dating CJ Reynato Puno sa pagtanggal ng testing na proposal daw ni Sereno. Para kay CJ Puno, may pakinabang ang psychological testing dahil kahit hindi raw ito konklusibo ay makakatulong pa rin ito sa assessment na kung sila nga’y nararapat.

Para sa akin, walang masama kung ang ganitong ko­n­dis- yon ay hingin sa aplikante lalo na’t ang Hudikatura ang kagawarang nais nilang pasukin. Higit sa Ehekutibo at Lehislatibo, dito sa Hudikatura pinaka-mahalaga na nasa tamang pag-iisip ang mga nagpapasya. Magkatunggaling panig, interes at karapatan ng magkatapat na totoong partido ang laging tinitimbang at isinasaalang-alang. Sila rin sa huli ang nagwawasto ng kung anumang maling ikinilos ng Ehekutibo at Lehislatibo. Tama lang na subukang tingnan ang kanilang mental fitness.

Sa mga nagtatanong kung ano ang karapatan ng JBC members na namimili ng mga huwes na pag-aralan at suriin ang mga test results ng mga aplikante, mismong ang JBC members din ay dumaan sa psychological testing bilang requirement ng Commission on Appointments bago sila na-appoint ng Palasyo.

 

 

Show comments