^

PSN Opinyon

Anong klaseng tao ito?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

ANONG klaseng tao ang mamamaril na lang basta-basta ng mga lima hanggang 10-taong gulang na mga bata? Malinaw na hindi tama ang pag-iisip ng ganitong klaseng tao, kaya ang sunod na tanong, paano nakakuha ng mga baril at bala ang ganitong klaseng tao? Isang 20-anyos na lalaki ang nagtungo sa isang mababang paaralan, at basta na lamang namaril ng mga bata at guro nung paaralan! Ayon sa mga testigo, hindi ito pamamaril na walang diresksyon, kundi sadyang tinarget ang mga bata at guro! Nang matapos ang putukan, 20 bata at dalawang guro ang patay. Lumalabas din na binaril na muna nung suspek ang kanyang sariling ina, bago nagtungo sa paaralan. Lumalabas din na nagpakamatay ang suspek matapos ang pagpapaputok sa mga bikitma!

Ngayon, humahanap ng mga kasagutan ang mga pamilya, otoridad at ang buong bansa, kasama na ang buong mundo na nagdalamhati sa pinaka bagong insidente ng pamamaril sa Amerika. Itong taong ito, ilang mga madugong insidente kung saan namamaril na lang sa mga inosenteng tao ang naganap sa Amerika. Kaya naman mabubuhay muli ang napakainit na debate sa pagitan ng mga kontra sa baril, at sa nagsasabing karapatan nila ang magkaroon ng baril sa lahat ng oras.

Sa totoo nga, isang pulitikal na isyu rin ito. Kilala si President Barack Obama na mas sang-ayon sa pagkontrol o ang paghihigpit sa pagbenta at pagbili ng mga malalakas na armas sa mga sibilyan. Kaya nga sa mga estado na maluluwag ang batas hinggil sa baril ay bumoto sa kanyang kalaban. Dahil sa insidenteng ito. Baka mabuhay muli ang debate na palaging nagtatapos sa masalimuot na kalooban ng lahat ng panig. Naniniwala ang mga kontra na hindi sila pinakikinggan, naniniwala naman ang mga pabor na nasa Konstitusyon nila ang karapatan magkabaril.

Pero sa insidenteng ito, na pangalawa lamang sa pinakamadugong pamamaril sa Amerika, mas masakit ang epekto sa buong mundo dahil mga bata ang biktima! Talagang masasabi ko na wala na sa tamang isip ang gumawa nito! Hindi na naging salik ang edad nung mga biktima. Ang tingin na lang siguro sa kanila ay mga target, at hindi na tao, hindi na bata! Sigurado lalabas ang mga pahayag na, oo nga, medyo wala sa tamang pag-iisip ang ganyan. Pero walang makakaisip na magagawa ng isang tao ang kanyang nagawa! At babalik muli ako sa tanong ko. Kung ang tingin na sa kanya ay medyo may tama, paano nakakuha ng baril? May mga balita na sa kanyang ina ang mga baril na ginamit, isang AR-15, isang Glock pistol at isang Sig Sauer na pistol. Kaya paano nakuha? At higit isangdaang bala? Paano niya nakuha lahat iyon kung naging maingat sa pagtago ng baril ang ina? Napakaraming tanong, na siguradong hinihingi ng mga magulang ng mga biktima ang sagot!

AMERIKA

AYON

BARIL

ISANG

KAYA

LUMALABAS

PERO

PRESIDENT BARACK OBAMA

SIG SAUER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with