Hindi nakalusot sa korte (Ikalawang bahagi)
NOONG Mayo 18, 1998, pagkamatay ni Antero, nagsampa ng kaso si Ana at ang anak niyang si Al para mapawalang-bisa ang kasulatan ng bentahan na may petsang Nobyembre 4, 1997 at para mabalik sa kanila ang posesyon ng ari-arian sabay humingi rin sila ng danyos perwisyo. Bandang huli, hindi lang si Gina kundi pati ang banko ay isinama nila sa kaso bilang “mortgagee in bad faith”. Ayon kay Ana ang lupa’t bahay ay pag-aari nilang mag-asawa o conjugal dahil ito ay binili nila noong mag-asawa na sila. Sa katunayan nga ay ang titulo N-3215 ay nasa pangalan niya “kasal kay Antero”. Naisangla raw niya ito noong una sa ACS Inc. nang walang permiso ni Antero dahil patay na ito.
Ayon pa kay Ana, pinalabas lang na binenta kay Gina ang lupa sa kasulatan ng bentahan noong Nobyembre 4, 1997 dahil pinaniwala nga siya ng tusong babae na kailangan niya itong gawin para makapangutang ang babae sa banko.
Noong Disyembre 18, 2007 ay naglabas ng desisyon ang korte pabor kay Ana at sa kanyang anak na lalaki. Sabi ng korte ang bahay at lupa ay “conjugal property” kaya walang bisa ang kasulatan ng bentahan na may petsang Nobyembre 4, 1997 na ginawa ni Ana pabor kay Gina. Tama ba ang korte?
MALI. Tunay nga na ipinapalagay natin na lahat ng ari-arian na nakuha ng mag-asawa habang kasal sila ay dapat ituring na “conjugal property”. Pero isa sa mga kundisyones para mapatunayan ito ay ang katibayan na nabili nila ito noong mag-asawa na sila. Sa kasong ito, walang ebidensiyang isinumite bilang patunay na nakuha ang ari-arian noong panahong mag-asawa na sila Gina at Antero maliban sa pahayag ni Ana na nabili nila ang lupa noong kasal na sila ni Antero kaya nga nakalagay sa titulo na ang may-ari ng lupa ay siya “kasal kay Antero”.
Ang salitang “kasal kay” ay ginagamit lang upang ilarawan ang estado ng babae kung dalaga pa siya o kasal na at hindi raw puwedeng sabihin na rehistradong may-ari na rin ang mister. Puwede raw kasing mangyari na nabili ng babae ang lupa noong dalaga pa siya at lumabas o kaya ay naparehistro ang titulo noong kasal na siya. Kapag kasi ganito ang nangyari ay talagang hindi matatawag na “conjugal” ang nasabing ari-arian. Dahil hindi napatunayan kung kailan nabili ang ari-arian, ang katotohanan na nakasulat lang ang titulo sa pangalan ng babae ay sapat na bilang katibayan na nakuha niya ito noong dalaga pa siya kaya’t ituturing na “paraphernal property”.
Kaya mali ang korte sa pagpapawalang-bisa sa kasulatan ng bentahan na may petsang Nobyembre 4, 1997 na ginawa ni Ana pabor kay Gina. Ito ang desisyon sa kasong De La Peña vs. Avila, G.R . No. 187490, February 8, 2012, 665 SCRA 553 citing Ruiz vs. CA, 410 SCRA 410).
- Latest