NAGING panauhin namin sa aming DZRH radio program ang isang dalubhasang doktor ng Philippine College of Chest Physician. Siya ay si Dr. Romel Tipones, isang pulmonary medicine doktor na graduate ng UP-Philippine General Hospital. Ito ang payo niya tungkol sa sakit na COPD.
Ang COPD ay Chronic Obstructive Pulmonary Diseases. Mas kilala ang COPD sa salitang Emphysema. Tinatayang umaabot sa 13% ng Pilipino ay may COPD.
Sa COPD o emphysema ay may pagkikipot ng mga tubo sa ating baga. Dahil dito nagkakaroon ng ubo at plema. Nasisira ang mga tubong ito dahil sa (1) paninigarilyo, (2) paglanghap ng usok ng sigarilyo, (3) paglanghap ng usok ng nagsisiga o naggagatong, (4) at polusyon sa hangin.
Ano ang sintomas ng emphysema?
1. Stage 1: Ubo – Sa umpisa ay paubo-ubo pa lang. Ito ang tinatawag na smoker’s cough.
2. Stage 2: Ubo at Plema – Sa katagalan ay may plema nang lumalabas kasama ang ubo. Ito dahil nasisira na ang lining ng tubo sa ating baga.
3. Stage 3: Ubo, Plema at Hingal – Kapag may hingal nang nararamdaman sa pangkaraniwang gawain tulad ng pag-akyat ng 2 palapag ng hagdanan ay seryoso na ito. Medyo mahirap nang gamutin at kailangan nang dalhin sa doktor o ospital.
4. Stage 4: Ubo, Plema, Hingal at Huni. Kapag may huni na (parang may pusa sa baga), ay malala na ang COPD at kailangan nang dalhin sa ospital. Kadalasan ay mangangailangan ng oxygen ang pasyente kahit na nasa bahay. Huwag natin paabutin sa ganitong situasyon.
Ano ang solusyon?
Simple lang ang solusyon sa COPD: Itigil ang paninigarilyo. Kumonsulta din sa doktor para mabigyan ng tamang inhaler para sa baga. May tulong ng kaunti ang
mga inhaler na ito pero ang pinakamagandang pag-iwas talaga ay ang paghinto ng paninigarilyo.
Paano titigil sa paninigarilyo:
1. Will – Kailangan ay may “will” o nais ang tao na tumigil sa paninigarilyo. Kung wala pa siyang balak huminto ay mahirap pang pilitin. Sabihan na lang natin ng masasamang epekto na maidudulot ng sigarilyo.
2. Quit Date — Kapag may “will” o lakas ng loob na, magtakda na ng Quit Date. Ito ay isang petsa kung kailan ititigil na ng pasyente ang paninigarilyo. Napakahalaga nito. Kapag malapit na ang Quit Date, ihanda na ang pasyente sa pamamagitan ng pagpapaalam sa kanyang pamilya at kaibigan. Kailangan ng family support para ma-ging matagumpay. Alisin na ang mga ashtray at pakete ng sigarilyo sa iyong bahay. Lumayo din muna sa mga barkada mong naninigarilyo para makaiwas sa tukso.
3. Cold turkey or gra-dual reduction – Dalawang paraan ng pagtigil ng sigarilyo. Puwede ang biglaang paghinto (cold turkey) o iyung padahan-dahan. Nasa pas-yente na ito. Mayroon ding “gamot” na makatutulong sa paghinto.
Kumunsulta sa inyong doktor para matulungan kayo sa inyong magandang balak na itigil ang paninigarilyo.
Good luck po.