NGAYON ang Linggo ng mga rosas, simbolo ng ating tuwa at galak. Maging ang Panginoon ay masayang umawit sa laki ng Kanyang kagalakan. Simula ngayon ng siyam na araw ng ating paghahanda sa kapaskuhan, ang pagsilang ni Hesus, Anak ng Diyos na buhay. “Umiyak tayo sa galak at katuwaan, sapagkat nasa natin na ang dakila at banal ng Israel”.
Maging handa tayo tuwina sapagkat malapit nang dumating ang Panginoon. Paghandaan natin ang ating ireregalo kay Hesus na walang iba kundi ang ating paghingi ng kapatawaran sa ating mga nagawang kasalanan. Ipinadala ng Diyos Ama ang Kanyang Anak upang sagipin tayong Kanyang mahal na nilikha laban sa kasalanan at kasamaan.
Magiging maganda ang ating pang-araw-araw na kapaskuhan kung susundin natin ang pangaral ni Juan Bautista ukol sa social justice. Ipinahayag niya na kung may dalawang baro tayo, ibigay ang isa sa wala. Ang kabuuan ng kapaskuhan ay panahon ng pagbibigay at pagkalinga hindi ang paghihintay ng regalo mula sa mahal sa buhay.
Sa mga mangangalakal ang pinaka-magandang regalo ay huwag mahalan ang mga bilihin at lubusang pagbibigay ng katarungan. Masiyahan tayong lahat sa ating mga sahod. Iwasan natin ang pagnanakaw makapagbigay lamang ng regalo sa mahal sa buhay. Si Juan ay nagbinyag ng tubig sa ilog Jordan subalit si Hesus ay nagbinyag sa atin ng Espiritu ng kaliwanagan at pag-ibig sa ating lahat.
Panalangin ko sa lahat na mabuo natin ang Simbang Gabi na ating paghahanda sa pagsilang ni Hesus na pawang pasasalamat at paghingi ng tawad sa Panginoon upang maging ganap ang ating kapaskuhan.
Sofonias 3:1418a; Salmo 12; Filipos 4:4-7 at Lk 3:10-18