Sa lahat ng nakakainis…
SA lahat nang nakakainis na mangyari sa akin, ay ang masira ang isang bagay sa oras na kailangan na kailangan mo na. Isa na rito ang internet. Malaking bahagi ng trabaho ko ay nakatutok sa harap ng computer at nagsusulat, nagre-research, at nagpapadala ng trabaho. Kaya isipin na lang ninyo ang inis ko kapag nawala na lang ang koneksyon ko! Mangyayari pa kapag kailangan mo nang magpadala ng trabaho. Kaya ayun, mapipilitan pa akong humanap ng ibang lugar o computer na siguradong may signal, para makapagtrabaho nang maayos!
At ang masakit pa, nag-upgrade pa ako ng plan para mas mabilis na koneksyon ang magamit ko, pero wala rin kung masisira lang! At kahit ilang araw kang walang internet, hindi babawasan ang babayaran mo! Naging isyu nga kailan lang ang mga problema ng mga telecom, dahil sa mga napuputol na tawag, hindi makarating na text sa mabilis na panahon. Sumama nang husto ang problema kaya umabot sa Kongreso at Senado ang imbistigasyon. Inaayos daw, nag-uupgrade daw. Kung totoo lahat iyan, eh kailan naman matatapos lahat para hindi na maputol ang koneksyon mo?
Sa panahon ngayon ng internet at cell phone, kung saan ang impormasyon at balita ay napakabilis nang paratingin, napakahalaga ng maganda at maaasahang koneksyon! Parang sasakyan iyan. Ang gusto mo iyong hindi nasisira, lalo na kung kilalang tatak, tatak na may kalidad. Ganundin ang internet. Kilala naman ang kumpanya, pero bakit napakadalas nang pumalya? Wala pinagkaiba iyan sa brownout na hindi mo inaasahan. Perwisyo, init ng ulo lang ang aabutin mo!
Kung talagang nagbuhos nang maraming pera para pagandahin ang kanilang serbisyo, sana naman maramdaman na! Mawala na ang mga drop calls, putol na koneksyon ng internet. Iba na ang mundo ngayon. Hindi na pwedeng sabihin na nabuhay naman tayo noon na wala lahat iyan. Oo nga, pero mas mahirap, di ba? Kaya nga may internet ay para lahat nang kaginhawahan ay makuha mo.
Mabuti sana kung mabibilis din ang mga messenger mo, eh puro pasaway rin ang mga iyan! Katulad nitong sinusulat ko, kailangan ko nang ipadala!
- Latest