Brain test kay Pacman
ALAM n’yo ba na may automatikong 120-araw na suspension si People’s Champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao mula sa Nevada State Athletic Commission?
Kailangan muna siyang sumailalim sa masusing pagsusuri ng kanyang utak na maaaring napinsala matapos siyang patulugin ni Juan Manuel Marquez sa nakaraan nilang laban.
Hangga’t hindi nakukumpirmang walang malubhang pinsala ang kanyang utak dahil sa tindi ng suntok na dumapo sa kanya, hindi siya puwedeng mag-boksing uli.
Nakakabahala ang balitang iyan para sa mga nagmamahal kay Pacman. Ayaw natin siyang matulad kay Muhammad Ali at sa sarili niyang trainer na si Freddie Roach.
Kaya hindi nagbabago ang ating panawagan sa kanya na magretiro na ngayon pa lang. Kung minsan, ang pinsala sa katawan ng boksingero ay unti-unting naiipon at magugulat na lang ang isang tao na baldado na pala siya.
Mabuti-buti ang kalagayan ni Roach kaysa kay Ali. Si Ali na dinadakila noong araw na “the greatest” ay mistula na lamang buhay na monumento samantalang si Roach ay may silbi pa bilang trainer ng mga magagaling na boksingero.
Ang sabi ni Bob Arum na big boss ng Top Rank Promotion na may hawak kay Pacman babalik sa Las Vegas ang ating boxing icon para sumailalim sa masusing pagsusuri sa Cleveland Clinic.
Ano man ang maging resulta ng pagsusuri, dapat nang lisanin ni Pacman ang pagboboksing dahil maraming larangang puwede siyang maging kapakipakinabang gaya ng politika o kaya pangangaral sa Salita ng Diyos. Sana naman ay pawalan na siya ni Bob Arum kahit pa nakatali sa isang kontrata. Afterall, malaki rin ang kinitang salapi nito mula kay Pacquiao.
Sabi nga ni Nanay Dionisia “Hindi manok ang aking anak.” Oo nga naman. Ang mga manok na sasabungin kapag natalo sa laban ay sa kaserola ang tuloy. Ang tinale kapag tinalo ay nagiging tinola.
Kapuri-puri din ang ginawa ni Pacman na pagdodonasyon ng P10 milyon sa mga biktima ng bagyong Pablo sa Mindanao bagamat kung tutuusin, ito’y kakatiting sa mahigit isang bilyong pisong napanalunan niya sa nakaraan niyang laban.
- Latest